May posibilidad na ang paglaki ng net worth ni Vice President Sara Duterte ay hindi nagmula sa 18 kumpanyang inuugnay sa kanya at sa kanyang asawang si Atty. Manases Carpio.
Ito ang obserbasyon ni Senate President Sherwin Gatchalian matapos suriing mabuti ang summary ng korporasyon na isinumite ni Atty. Gerardo Del Rosario, director ng Securities and Exchange Commission’s company registration and monitoring department, sa impeachment court.
“Tama po ba na sa lahat po ng mga corporations na may kaugnayan kay Vice President Sara at kay Manases Carpio, wala pong ni isa nag-declare ng dividends?” tanong ni Gatchalian.
Sagot ni Del Rosario, walang impormasyon na nagdeklara ng dividendo ang mga kumpanyang iniuugnay sa mag-asawa.
“So ibig sabihin kung merong, kung babangga po namin ito sa SALN [Statement of Assets, Net Worth and Liabilities]hindi po pwedeng manggaling sa mga corporations niya yung paglaki ng kanyang net worth. Tama po ba? Dahil kung by process of elimination, titignan natin yung mga corporations, pwede na natin i-rule out yung corporations,” ani Gatchalian.
Tugon naman ng prosecution witness, ”Kung ayon po rito at wala po siyang natanggap na benepisyo yung dividendo, hindi ko po alam kung mayroon po siyang may didiklarang kinita out of this company”.
Tinanong din ni Gatchalian kung nalugi ang iba pang korporasyon [maliban sa GenCorp], tulad ng Davao Emerging Taipans, SGT Fortune Horse at Mati Ice Plant na kinumpirma naman ni Del Rosario.
Napansin din ni Gatchalian na hindi shareholder ng GenCorp si Duterte batay sa record ng SEC.
“So yung may connection lang kay Atty. Manases at kay Vice President Sara ay Mati, Ice Plant, Davao Emerging Taipans at SGT, ito lang yung kumita. The rest, tinitignan ko dito sa summary, lugi ho siya,” ani Gatchalian na kinatigan naman ni Del Rosario.
“And therefore, hindi ho makaka-declare ng dividends dahil lugi nga,” dagdag pa ni Gatchalian.
Sambit ni Del Rosario, “Yung pong mga deficit ang retained earnings po, hindi po makakapag-deklara ng dividendo”. (Dindo Matining)


