Mas malinaw pa umano sa sikat ng araw ang naging paglabag ni Vice President Sara Duterte sa Konstitusyon nang hindi ito mag-divest sa kanyang business interest matapos niyang manungkulan bilang ikalawang pinakamataas na opisyal ng bansa noong 2022.
Ito ang sinabi ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong matapos ibunyag ni Securities and Exchange Commission (SEC) Company Research and Monitoring Department Director Atty. Gerardo Del Rosario na nanatili ang Pangalawang Pangulo bilang incorporator at direktor ng Metro City Chow Foods Corporation.
Batay sa mga rekord ng SEC, nagmamay-ari si Duterte ng 20% ng naturang kumpanya.
Mula 2022 hanggang 2025, sinabi ni Del Rosario na walang pagbabago sa ownership structure ng kumpanya, kung saan hawak pa rin ni Duterte ang parehong posisyon at dami ng shares.
Sinabi ni Alonto Adiong na malinaw na nilabag ni Duterte ang Article VII, Section 13 ng Konstitusyon, na nagbabawal sa Pangulo, Bise Presidente at mga miyembro ng Gabinete na magkaroon ng business interest.
“Very clear na yung 2022 up to 2025 ay na-elect as Vice President si VP Sara Duterte pero yung lahat ng dineklara niya na kumpanya o negosyo kung saan direktor siya, kung saan shareholder siya, hindi siya nag divest,” sabi ni Alonto Adiong.
“So, this is a clear violation, mas malinaw pa ito sa sikat ng araw yung tahasan na pag-violate ng ating Constitution under Article VII Section 13 na hindi maaaring magkaroon ng direkta o indirect na interest ang Presidente, Bise Presidente at cabinet members. Pinagbabawalan ’yan sa Constitution,” dagdag pa nito.
Ipinapakita rin sa financial submissions ng Metro City Chow Foods Corporation sa SEC na nagtala ang kumpanya ng net loss mula 2020 hanggang 2024 bago magtala ng P207,137 net income noong 2025.
Nagtataka rin si Alonto Adiong kung bakit patuloy na pinananatili ng Pangalawang Pangulo ang kanyang investment sa isang kumpanyang hindi naman kumikita.
“Pinag-uusapan natin unexplained wealth dito. Mukhang walang nakukuha na dibidendo, walang bumabalik sa kanya na income. Bakit ka nagnenegosyo na continuously nalulugi at kung continuously nalulugi negosyo mo, bakit naman tumataas ang net worth mo?” sabi ni Alonto Adiong.
Napansin naman ni House prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers na walang makikita sa mga filing ng Metro City Chow Foods na susuporta sa pagtaas ng net worth ng Pangalawang Pangulo mula P7 milyon noong 2007 na lumobo sa P99 milyon noong 2025.
“Very clear sa unang pahayag ng witness na nakita natin na may kumpanya kung saan walang dineklarang dibidendo nakuha ang Bise Presidente. At babalikan natin ulit yung kwestyon doon sa kanyang dineklarang net worth sa kanyang saln kung saan mula 2007 hanggang 2025 ito umabot sa P99M,” sabi ng dating solon.
“Hindi natin inaakusahan ang Bise Presidente ngayon na ang paglaki ng kanyang net worth ay galing sa iligal o kaya kwestyonable. Ang sinasabi natin, unless there is a justification as to the lawful income that will justify yung increase ng kanyang net worth, dito natin makikita sa records na isinumite sa SEC,” dagdag pa ni Barbers. (Billy Begas)


