Diringgin ng Senate impeachment court ang oral arguments ng prosekusyon at depensa kaugnay ng voting threshold para ma-convict si Vice President Sara Duterte.
Bago i-adjourn ang paglilitis nitong Martes, ipinaalala ni presiding officer Senator-judge Francis Escudero sa kanyang mga kasamahan na walang ihaharap na testigo sa Miyerkules dahil sa isasagawang oral argument.
“Each party will be given 15 minutes. Thereafter, senator-judges may profound questions before we proceed to vote on the motion or appeal-cum-motion for reconsideration of Senator-judge Erwin Tulfo,” sabi ni Escudero.
Ipinaalam ni House lead prosecutor at Batangas Rep. Gerville Luistro sa Senate impeachment court na si Mamamayang Liberal party-list Rep. Leila de Lima ang maglalahad ng oral arguments para sa prosecution.
Para sa defense, sinabi ni Atty. Sheila Sison na bukas nila sasabihin kung sino ang magsasalita para sa kanilang panig.
Inilatag ni Tulfo ang usapin tungkol sa two-thirds vote na kailangan para ma-convict ang isang impeachable official. Habang hindi isyu ang two-thirds requirement, ang isyu umano ay kung saan ibabatay ang threshold.
Noong nakaraang Miyerkules, dininig ng impeachment court ang mga opinyon ng apat na dating Supreme Court (SC) Justices tungkol sa usapin.
Nagpahayag ng pananaw sina dating SC Chief Justices Hilario Davide Jr., Artemio Panganiban, at Reynato Puno na ang kinakailangang two-thirds vote ay dapat ibatay sa mga senator-judge na lumalahok sa paglilitis.
Sinabi nila na ang mga senador na hindi lumahok sa paglilitis ay hindi makagagawa ng informed judgment bilang mga hukom.
Tanging si dating Associate Justice Adolf Azcuna ang nagsabi na ang two-thirds threshold ay dapat ibatay sa lahat ng 24 senador. Sinabi niya na tanging kamatayan, pagbibitiw, o pagpapatalsik lamang ang maaaring lumikha ng bakante sa Senado, na magpapababa sa bilang ng mga miyembro ng Senado na gagamitin sa pagkukuwenta ng two-thirds vote.
Sa kasalukuyang 24 senador, sina Senators Jinggoy Estrada at Rodante Marcoleta ay nakakulong, si Sen. Ronald dela Rosa ay nagtatago dahil sa arrest warrant na inilabas ng International Criminal Court, habang si Sen. Loren Legarda ay naka-medical leave. (Billy Begas)


