Nilinaw ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) na hindi itinayo ang New Quezon City Jail sa Payatas para sa mga akusado sa flood control scandal.
Sa panayam sa programang “The Commanders” ng Abante, na simulcast sa Bilyonaryo News Channel, itinanggi ni Jail Chief Inspector Marc Francis Bauya ang naturang alegasyon.
“I would categorically answer it na hindi naman po necessary. Because during the time na dine-develop po at kino-conceptualize ‘yung gano’ng klase ng facility, in fact ‘yung most of our new facilities ngayon sir ay binabase na po kung ano ang pangangailangan ng BJMP,” ani Bauya.
“Napakaganda po ng jail facility na ‘to kasi maliban lang sa napakalawak niya… may mga spaces kung saan ‘yung mga appropriate programs, interventions na puwede natin maibigay ay maibibigay na natin,” dagdag niya.
Ayon naman kay BJMP Spokesperson JSupt. Jayrex Bustinera, nasa 3,200 persons deprived of liberty (PDL) na ang New Quezon City Jail.
Tinukuran din ito ni Dr. Raymund Narag, Associate Professor ng Criminology & Criminal Justice sa Southern Illinois University Carbondale, na naging bahagi ng proseso ng disenyo at pagsisimula ng naturang kulungan.
Idinisenyo aniya ang pasilidad para sa 5,000 katao.
“We have lugar para ma-admit natin whoever they are. Mapamayaman, mapamahirap, mapapolitiko or whatever, they are able to be accommodated equally, humanely, and with dignity,” ani Narag.
Panoorin ang buong panayam sa September 22 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


