WebClick Tracer

Mommy Rizza ni Ryzza Mae Dizon hindi lumaki ang ulo, kahit sikat na

Ang pagluluto pa rin ang madalas pagkaabalahan ni Mommy Rizza, ang nanay ni Ryzza Mae Dizon. Katunayan, araw-araw ay pinagluluto pa rin niya si Ryzza ng mga pagkain na dinadala sa ‘Eat Bulaga’.

“Mga paborito po niya, paksiw na bangus, adobo, ginataang kalabasa na may hipon. Pero, may pagkain din po sila sa ‘Eat Bulaga’ pero ang gusto ko po talaga, palagi akong nagluluto ng pagkain para sa kanya, para sa mga anak ko,” kuwento pa ni Mommy Rizza.

Pero, kumusta na ba si Ryzza bilang anak?

“Ganun pa rin po, tumutulong pa rin po siya sa mga gawaing bahay. Hindi po siya madalas umaalis ng bahay kapag walang trabaho.

“Tinuturuan ko rin siyang magluto. At saka, siya pa rin ang naglilinis ng kuwarto niya, kapag wala siyang pasok,” sagot ni Mommy Rizza.

Anyway, kahit sikat na nga ang nanay ni Ryzza, na sa kanyang Facebook page nga ay may halos apat na milyon na ring subscribers, hindi pa rin nagbabago ang mga ganap niya sa buhay.

Siya pa rin daw ang personal na namamalengke, at minsan ay nagmo-motor lang siya. At nakakatuwa nga raw ang mga tao sa palengke, dahil kapag nakikilala siya, nagpapa-picture talaga sila.

At bongga talaga, dahil marami na rin ang gumagaya sa kanyang linya na ‘Hello Team Ryzza!’

“Kaya lagi po akong nagpapasalamat sa Panginoon, kasi kung hindi po dahil sa kanya, hindi ko mararanasan ang ganito. Palagi po akong nagdarasal,” sey ni Mommy Rizza.

Anyway, ano ba ang nakita ni Anna Magkawas at kinuha niya siyang endorser ng Luxe Slim at Konjak Zero?

“She’s very authentic, relatable. Alam mo `yung bawat nanay nakaka-relate sa kanya. Na kapag napanood mo sa kanya, para kang nari-relax, at hine-hele ka ng boses niya.

“Sobrang stress na tayo dahil sa maraming nangyayari sa bansa. Pag napanood mo ang video niya, doon ka parang nahihimasmasan ka, na parang nahi-hypnotize ka ng boses niya, may something kasi ang boses niya, na hindi kayang gawin ng iba.

“Tapos akala mo scripted palagi ang sinasabi niya, pero hindi, kasi natural niya `yon. Para siyang tumutula, pero normal niya `yon.

“Kaya hanga ako sa kanya, na very humble siya, kahit na sunod-sunod na ang endorsements niya. Hindi pa rin sya kumukuha ng personal assistant niya, wala pa rin siyang driver.

“Wala siyang kasama kapag namamalengke siya, ang mga anak pa rin niya ang kasama niya, kahit meron na rin siyang pambayad,” chika ni Anna Magkawas.

“Nagpapasalamat po ako sa Panginoon, at siyempre kay Ma’am Anna, kasi siya talaga ang unang nagtiwala sa akin. Noong wala pa akong followers, nagtiwala na siya sa akin.

“Napakaliit ko lang na tao, para gayahin nila. Paano kaya nila ako nakita? Hindi naman ako artista, kaya sobrang saya ko na ginagaya nila ako.

“May mga nagmi-message sa akin, at natutuwa sila, kaya sobrang saya ko rin po,” sabi naman ni Mommy Rizza.

Well, hindi nga lumaki ang ulo ng nanay ni Ryzza, at hanggang ngayon ay mapagkumbaba, at mabait pa rin sa mga taong nakakasalamuha niya.

Pero ang isa sa maganda sa kanya ay marunong siyang magbalik ng biyaya, na madalas nga ay nagluluto siya ng pagkain para sa ibang tao, at namimigay rin siya ng pera sa mga nangangailangan.

Bongga! (Dondon Sermino)