Ilang motorista ang naghabol sa murang gasolina bago ipatupad ngayong Martes, Setyembre 22, ang panibagong malakihang taas-presyo sa mga produktong petrolyo.
Ikatlong sunod-sunod na linggo na ngayong buwan ang big-time oil price hike. Halos P9 ang dagdag sa kada litro ng diesel, halos P5 sa gasolina, at P6 naman sa kerosene.
Isa sa mga dinagsa ng mga motorista ang gasolinahan sa kahabaan ng Taft Avenue sa Maynila.
Kahit masungit ang panahon at bumubuhos ang ulan, hindi nagpatinag ang mga motorista. Diskarte kung diskarte para makasiguro sa mas murang krudo bago sumapit ang takdang oras ng pagpapatupad ng taas-presyo.
Ayon sa tricycle driver na si Ryan, malaking dagdag-pasanin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng gasolina lalo na’t matumal ang biyahe.
“Mahirap po kasi, wala pang ano, matumal pa yung byahe tapos mahal pa yung gas,” ani Ryan.
Para naman sa empleyadong si Donna Kaye, wala na siyang ibang magagawa kundi tanggapin ang patuloy na pagtaas ng presyo ng petrolyo.
Anya, ang tanging panlaban niya sa tumataas na gastusin ay ang magdoble-kayod sa trabaho para may maipangtustos sa pang-araw-araw na pangangailangan.
“Ayun, pag nagtaas wala naman tayong magagawa, magtrabaho na lang ng maigi para may pang-gas,” saad niya.
Todo-daing din ang motorcycle taxi rider na si Renan. Para kumita nang sapat, napipilitan siyang pahabain ang oras ng pamamasada at dumiskarte para makatipid sa konsumo ng gasolina.
“Dagdagan ang byahe, dagdagan ang byahe, dumiskarte kung saan pwedeng dumaan na mas makakatipid, minsan kahit bawal ginagawa yun para makatipid sa gas,” ayon kay Renan.
Sa pabago-bagong galaw ng pandaigdigang merkado, walang ibang magagawa ang mga consumer kundi ang mag-abang at maghigpit ng sinturon.
Dahil sa tuwing may nagbabadyang pagtaas sa presyo ng petrolyo, ang ordinaryong masang Pilipino ang laging unang sumasalo sa matinding hagupit nito. (Vitto Bamba)


