WebClick Tracer

Mayor Isko sa bandalismo matapos ang protesta sa Maynila: ‘Nakakapanlumo’

Napinturahan na ng Manila City government ang isang center island sa Recto Avenue matapos itong i-spray paint ng isang raliyista sa ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng Martial Law nitong Lunes, Setyembre 21.

Nagpahayag naman ng pagkadismaya si Manila Mayor Isko Moreno Domagoso sa insidente.

“Nakakapanlumo naman po. Pagmasdan ninyo ang center island na tila ginawang blackboard, may mga bakas ng spray paint at vandalism na naiwan matapos ang rally,” ani Moreno sa isang Facebook post.

“Pinag-iisipan at pinaghihirapan po nating pagandahin, linisin at ayusin ang Maynila para sa ating mga Manileño. Tapos ganito lang po ang gagawin sa ating lungsod?” dagdag niya.

Malaya naman aniya ang publiko na magpahayag at magprotesta, ngunit huwag sanang sirain ang mga pinaghihirapang ayusin ng lungsod.

Isang lalaking raliyista ang inaresto ng pulisya matapos mamataang nag-spray paint sa center island sa gitna ng kilos-protesta sa Recto Avenue. Inaresto rin ang isang babaeng raliyista matapos umano nitong harangan ang mga pulis na umaaresto sa lalaki.

Kalaunan ay pinalaya rin ang dalawa matapos ang pag-uusap ng pulisya at ng grupo ng mga nagprotesta. (AC)