WebClick Tracer

Mayor Baste nagpalakas sa alegasyon na lumabag si VP Sara sa Konstitusyon – prosecution

Naniniwala ang House prosecution panel na pinalakas ni Davao City Mayor Sebastian Duterte ang alegasyon laban sa kanyang kapatid na si Vice President Sara Duterte na lumabag ito sa Konstitusyon sa kanyang pagkakaroon ng business interest sa isang kumpanyang may transaksyon sa mga ahensya ng gobyerno.

Sinabi ni prosecution adviser at spokesperson Ace Barbers na ang pag-amin ni Mayor Duterte na may P33.2 milyong halaga ng mga kontrata ang Davao City government sa GenCorp Industries Inc. ay maituturing na “smoking gun” laban sa Pangalawang Pangulo.

Inilista ng Bise Presidente ang GenCorp sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) bilang isang kumpanya na mayroon siyang interes.

“Itong GenCorp, ayon sa aming initial na information, has P14, almost P15 million worth of contracts na na-award sa kanya dito sa Davao City. But we’re glad that the mayor corrected the figure. In fact, dumoble pa,” sabi ni Barbers.

Bukod sa Davao City government, sinabi ni Barbers na nagkaroon din ng transaksyon ang GenCorp sa Overseas Workers Welfare Administration at Philippine Health Insurance Corporation.

Dahil sa deklarasyon ng Vice President sa kanyang SALN na may interes ito sa GenCorp at pag-amin ni Mayor Duterte na nagkaroon ng transaksyon dito ang Davao City government, sinabi ni Barbers na malinaw itong paglabag sa Article VII, Section 13 ng Konstitusyon.

Nakasaad sa Article VII, Section 13 ng Konstitusyon na ang Pangulo, Bise Presidente, mga miyembro ng Gabinete, at kanilang mga deputy o assistant ay hindi maaaring magkaroon ng ibang propesyon,, lumahok sa anumang negosyo, o magkaroon ng pinansyal na interes sa anumang kontrata o prangkisa o espesyal na pribilehiyong ipinagkaloob ng gobyerno o alinman sa mga subdivision, ahensya, o instrumento nito, kabilang ang mga korporasyong pag-aari o kontrolado ng gobyerno o kanilang mga subsidiary.

Sinabi ni Barbers na malinaw na ilegal batay sa Konstitusyon ang pagkakaroon ng Pangalawang Pangulo ng interes sa isang kompanya na mayroong P33 milyong halaga ng kontrata sa Davao City government.

“Ayon sa ating batas ay pinagbabawal dahil kung ang pagmamay-ari ng isang kumpanya na nagkakuha ng transaksyon sa isang government agency ay pag-aari ng isang public official lalong-lalo na ito ay pagmamay-ari ng ating Bise Presidente, eh mayroon klarong violation doon. Hindi na kailangan patunayan sa pagtatanong dahil umamin na kaagad ang ating mayor diyan,” sabi ni Barbers.

“Very clear sa ating batas, yung Article VII, Section 13 na hindi ‘yan pwede. Kung ikaw may-ari, ikaw Bise Presidente ka, ikaw may-ari ng kumpanya, you cannot engage in a business in any branch of government or any agency, for that matter. Kasi bawal, prohibited yan,” dagdag pa nito. (Billy Begas)