WebClick Tracer

Mayor Baste ipinatawag para linawin transaksiyon ng Davao City sa kompanyang konektado kay VP Sara

Tinawag ng House prosecution panel si Mayor Sebastian “Baste” Duterte upang humarap bilang testigo at kumpirmahin ang kontrata sa pagitan ng Davao City government at GenCorp Industries sa impeachment trial ni Vice President Sara Duterte.

Ayon kay House prosecution panel adviser at spokesperson Ace Barbers ang pagiging local chief executive ng Davao City at Head of the Procuring Entity (HoPE) ni Mayor Duterte ay patunay na mahalaga ang kanyang testimonya sa gagawing pagsusuri ng prosekusyon sa mga transaksyon ng city government sa GenCorp.

“Okay. Siya ’yung HoPE, ’yung Head of the Procuring Entity, HoPE. Mahalaga ’yan kasi lahat ng kontrata na ina-award ng gobyerno sa mga merchants o sa kanilang mga supplier ay mayroong approval ’yan ng sinasabing HoPE,” sabi ni Barbers sa isang press conference matapos ang paglilitis noong Martes.

“In this case, itong na-award sa Gencorp na halagang almost 30—mahigit P30 million na kontrata ay pinirmahan at inaprubahan ito ni Mayor Baste Duterte, na alam naman po natin na kapatid ng ating respondent, ng ating Pangalawang Pangulong si Sara Duterte,” dagdag pa nito.

Sinabi ni Barbers na hihilingin ng prosekusyon kay Mayor Duterte na kumpirmahin ang mga transaksyon ng GenCorp.

Nauna nang sinabi ni Mayor Duterte na nagkaroon ng 19 na transaksyon ang Davao City government sa GenCorp na nagkakahalaga ng mahigit P33.2 milyon ngunit iginiit na dumaan sa tamang proseso ang mga transaksyon at hindi alam ng mga opisyal ng lungsod na nagdeklara ang kanyang kapatid ng interes sa kumpanya.

Sa paglilitis noong Martes, ipinakita ni Philippine Government Electronic Procurement System Division Chief Rendell Sopeña ang mga rekord na nagpapakita ng 15 kontrata ng Davao City na ibinigay sa GenCorp na nagkakahalaga ng P34,216,900.

Ayon kay Sopeña nakatanggap ang GenCorp ng kabuuang 49 kontrata na nagkakahalaga ng P35,878,188 mula sa tatlong ahensya ng gobyerno mula nang maupo si Vice President Duterte sa kanyang puwesto.

Naglabas na ng subpoena ang Senate impeachment court kay Mayor Duterte upang humarap sa susunod na linggo. (Billy Begas)