Iginiit ng transport group na Manibela ang pangangailangan ng agarang pagtataas ng pamasahe sa pampublikong transportasyon, sa gitna ng patuloy na pagtaas ng presyo ng langis at iba pang pangunahing bilihin.
Sa pahayag nitong Martes, sinabi ng grupo na hindi na sapat ang sunod-sunod na pagdinig at ayuda para tugunan ang epekto ng krisis sa petrolyo sa kita ng mga tsuper at iba pang manggagawa sa pampublikong transportasyon.
Ayon sa Manibela, mas direktang nararamdaman ng mga tsuper ang epekto ng pagtaas ng presyo ng langis dahil bahagi ito ng kanilang araw-araw na gastos sa operasyon.
Kinuwestiyon din ng grupo ang argumento na posibleng magdulot ng inflation ang fare increase, at iginiit na ang mataas na presyo ng langis at petrolyo ang isa sa mga pangunahing dahilan ng pagtaas ng presyo ng mga bilihin at serbisyo.
Sinabi ng Manibela na mas nais ng mga tsuper ang isang “makatwirang fare increase” kaysa ayuda.
“Buti pa nga yung malalaking negosyo naawa ang gobyerno pero sa mga maliliit na katulad naming naghahanap buhay sa kalye barya barya na lang ipinagdadamot pa,” ayon sa grupo.
Dagdag pa nito, “Mas gusto na lang nila na bigyan kami ng ayuda kahit iba ang hinihiling namin na makakabuti para sa pampublikong transportasyon na higit na makakatulong sa aming araw araw na pamumuhay.”
Partikular namang binanggit ng grupo ang hinihinging P1 hanggang P2 fare increase, na anila ay makatutulong upang maibsan ang epekto ng mataas na gastos sa operasyon.
Hiniling din ng Manibela ang rollback sa presyo ng langis, pagtanggal ng excise tax sa petrolyo at pagbasura sa Oil Deregulation Law, habang nanawagan ito sa pamahalaan na mas pakinggan ang kalagayan ng mga tsuper at ordinaryong manggagawa. (AM)


