Isang 43-anyos na magsasaka ang ilang beses umanong pinagtataga ng kanyang bayaw matapos magtalo dahil sa mabahong amoy na nagmumula sa kural ng baboy sa San Francisco, Quezon.
Ayon sa San Francisco Municipal Police Station, nangyari ang insidente dakong alas-1:30 ng madaling-araw nitong Martes sa Sitio Maulo-ulo, Barangay Butanguiad.
Batay sa inisyal na imbestigasyon, kinompronta umano ng suspek na bayaw ng biktima ang huli dahil sa masangsang na amoy mula sa kanyang babuyan, na nauwi sa mainitang pagtatalo.
Sa kasagsagan umano ng pagtatalo, ilang beses na inundayan ng itak ng suspek ang biktima na nagtamo ng maraming sugat sa iba’t ibang bahagi ng katawan.
Agad na dinala ang biktima sa Quezon Provincial Hospital Network–San Francisco para malapatan ng lunas, habang naaresto naman ng mga rumespondeng pulis ang suspek at narekober ang itak na umano’y ginamit sa insidente.
Nahaharap sa kasong frustrated homicide ang 47-anyos na suspek. (Ronilo Dagos)


