WebClick Tracer

LTFRB magsusumite ng rekomendasyon sa taas-pasahe sa Oktubre

Inaasahang magsusumite ang Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) ng rekomendasyon nito sa mga nakabinbing petisyon para sa fare adjustment sa Department of Transportation pagsapit ng Oktubre.

Ayon kay LTFRB acting chairperson Greg Pua Jr., kailangan munang masuri ng ahensiya ang epekto ng wage increase na nakatakdang ipatupad sa Setyembre 26 bago maglabas ng rekomendasyon hinggil sa posibleng dagdag-pasahe.

Sa panayam sa Bagong Pilipinas ng PTV, sinabi ni Pua na inatasan sila ni Transportation Secretary Banoy Lopez na isumite ang kanilang rekomendasyon sa Oktubre.

“Bakit po October? Kasi po mayroon po tayong nakabinbin na mai-implement po na fare increase by September 25. So titingnan po namin doon iyong epekto po nitong wage increase,” paliwanag niya.

Kabilang aniya sa mga susuriin ng LTFRB ang kapasidad ng mga commuter na tustusan ang posibleng dagdag-pasahe, gayundin ang epekto nito sa inflation at kabuhayan ng mga transport worker. (IS)