Dahil ipinagpatuloy at lalo pang lumaki ang pondo ng Local Government Support Fund (LGSF) sa 2027, mapipilitan na umano si Caloocan City Rep. Edgar Erice na kuwestiyunin ito sa Korte Suprema.
Sa isang panayam kay Erice, na sa sandaling pirmahan ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr., ang 2027 general appropriation act na nagkakahalaga ng P7.2 trilyon ay dudulog agad ito sa Kataas-taasang hukuman para kwestiyunin ang constitutionality ng pondong ito.
“Ito po ay sinasabi ko,maliwanag na presidential for barrel, maliwanag ito na in aid of the 2028 elections, maliwanag po ito na discretionary fund ng presidente, ito po ay puwede naming kuwestiyunin sa Korte Suprema,” ani Erice.
Unang ipinatupad ang LGSF noong 2025 kung saan pinondohan ito ng P22.9 billion at ngayong 2026 ay pinalobo ito sa P57.78 billion at lalong pinalaki ang pondong ito sa susunod dahil aabot na ito sa P58.53 billion.
Ayon kay Erice, hawak na umano nito ang mga dokumento kung saan ginamit ni Marcos ang pondong ito na hindi inaprubahan ng Kongreso kaya hand ana umano itong kuwestiyon ito sa Korte Suprema kapag nalagdaan na ng pangulo ang 2027 national budget.
“Kasalukuyan ko na pong ginagawa at nahingi ko na yung mga records ng mga pinagbigyan nila ng 2025 and 2026,” ani Erice na siyang naghain din ng petisyon sa Korte Suprema sa constitutionality ng unprogrammed appropriations.
Ayon sa mambabatas, ang LGSF ay parang blank check na ibinigay ng Kongreso kay Marcos dahil siya lamang ang magdedesisyon kung magkano ang ibibigay at sinong LGU ang bibigyan ng pondo.
“Gusto ko patunayan na ang binibigyan ay kakampi lang, vote rich at gustong maging kakampi,” ani Erice dahil maraming aniyang mayayamang siyudad na maraming botante ang binuhusan ng pondo ni Marcos habang yung mga mahihirap na bayan ay barya lang ang ibinigay.
Unang inihalimbawa ni Erice ang Naga City na nabigyan umano ni Marcos ng P500 million kahit mayamang lungsod ito subalit nilinaw na hindi niya ito kinuwestiyon kundi ginamit lang na halimbawa kung papaano ginagamit ni Marcos ang nasabing pondo. (Bernard Taguinod)


