Muling nanawagan si Senador Loren Legarda ng mas mahigpit na pag-iingat sa mga armas at mas malinaw na pananagutan ng mga may-ari nito matapos ang panibagong insidente ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato.
Nangyari ang insidente noong Setyembre 18, wala pang isang buwan matapos ang pamamaril sa Ateneo de Zamboanga University at wala pang tatlong buwan mula nang magkaroon din ng insidente ng pamamaril sa San Jose National High School sa Tacloban City.
“Hindi maaaring sa bawat pamamaril ay mag-iimbestiga tayo, magluluksa, at pagkatapos ay maghihintay na naman hanggang sa may panibagong paaralang tamaan. Tacloban, Zamboanga, at ngayon South Cotabato. May malinaw nang babala na may mga kahinaan sa ating sistema na kailangang ayusin ng agaran,” pahayag ni Legarda.
Inihain ni Legarda ang Senate Bill No. 2472 upang palakasin ang Republic Act No. 10591 o ang Comprehensive Firearms and Ammunition Regulation Act sa pamamagitan ng pagtatakda ng mas malinaw at mas komprehensibong pamantayan sa responsibilidad at pananagutan ng mga may-ari at lisensiyadong humahawak ng armas sa wastong pag-iingat, pagtatago, at pagkontrol sa mga ito.
Lalong naging mahalaga ang panukala kasunod ng tatlong insidente ng pamamaril sa mga paaralan. Sa insidente sa Tacloban noong Hunyo 22, iniulat na isang service firearm na inisyu ng Philippine National Police ang nakuha ng menor de edad na kamag-anak ng opisyal na responsable rito.
Sa Zamboanga naman noong Agosto 18, sangkot ang isang armas na inisyu sa isang tauhan ng Bureau of Customs na ama ng menor de edad na sangkot sa insidente.
Noong Setyembre 18, isa na namang pamamaril ang naganap sa Banga National High School sa South Cotabato. Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang mga pangyayari sa pinakahuling insidente.
Binigyang-diin ni Legarda na hindi dapat matapos ang imbestigasyon sa pagtukoy lamang kung sino ang namaril. Dapat ding alamin kung paano naging accessible ang armas sa unang pagkakataon.
“Hindi sapat na malaman lamang kung sino ang namaril. Kailangan nating malaman kung paano nakuha ang baril, paano ito naipasok sa paaralan, kung may mga babalang hindi napansin o hindi naaksyunan, at kung may taong nagpabaya sa responsibilidad niyang ingatan ang armas na ipinagkatiwala sa kanya,” ani Legarda. (Dindo Matining)


