WebClick Tracer

Kutsilyo nasabat sa Grade 8 student sa Koronadal

Isang patalim ang nasabat mula sa bag ng isang Grade 8 student sa isinagawang mahigpit na security inspection sa Marbel 7 National High School sa Barangay Topland, Koronadal City, South Cotabato nitong Martes.

Ayon kay Assistant School Principal Ivan Ilupa, narekober ang kutsilyo habang iniinspeksyon ang mga bag ng mga estudyanteng pumapasok sa paaralan.

Agad na kinumpiska ang patalim at ipinatawag ang magulang ng estudyante matapos nitong sabihin na dala niya ang kutsilyo bilang proteksyon sakaling magkaroon ng kaguluhan sa loob ng paaralan.

Kasabay nito, iniimbestigahan din ng pulisya ang mga kumakalat sa social media na umano’y pagbabanta laban sa mga gurong nagbibigay ng mababang grado.

Patuloy ang klase sa paaralan ngunit mas pinaigting ang seguridad dito.

Nagsagawa rin ang Koronadal City Police ng briefing nitong Martes ng umaga upang paalalahanan ang mga estudyante na ipinagbabawal ang pananakot sa social media at maaaring humantong sa kaukulang kaso.