WebClick Tracer

Kompanyang konektado kay VP Sara nakasungkit ng P34M kontrata sa Davao City sa ilalim ni Mayor Baste

Mahigit P34.2 milyon na halaga ng mga kontrata mula sa Davao City government ang nasungkit ng GenCorp Industries Inc., isang kompanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte na mayroon siyang shares, habang alkalde ng lungsod ang kanyang kapatid na si Mayor Sebastian “Baste” Duterte.

Sa ika-28 araw ng impeachment trial, pinagtibay ni Philippine Government Electronic Procurement System (PhilGEPS) Electronic Government Procurement Operations Division Chief Rendell Sopeña ang mga dokumentong nagpapakitang nakakuha ang GenCorp ng kabuuang P35,878,188 na government contracts mula Hulyo 21, 2022 hanggang Hunyo 23, 2026 – panahong sakop ang termino ni Sara bilang Bise Presidente.

Sa nasabing halaga, P34,216,900 ang nagmula mismo sa City Government of Davao sa pamamagitan ng iba’t ibang kontrata.

Kasama dito ang magkakahiwalay na kontratang nagkakahalaga ng P5,143,500, P6,277,500 at P8,400,000.

Sa record ng PhilGEPS, nakakuha ang GenCorp ng 33 kontrata mula sa PhilHealth Davao Region na nagkakahalaga ng kabuuang P1,331,288, at isa pang P330,000 na kontrata mula sa Overseas Workers Welfare Administration o OWWA sa Davao Region.

Sa pagtatapos ng kanyang direct examination kay Sopeña, hiniling ni lead prosecutor Rep. Gerville Luistro sa Senate Impeachment Court na kilalanin ang Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, na nagbabawal sa ilang matataas na opisyal ng gobyerno, kabilang ang Pangulo at Bise Presidente, na direktang o hindi direktang makilahok sa anumang negosyo habang nanunungkulan.

Hiniling din ni Luistro sa korte na kilalanin ang Sections 5 at 66 ng Republic Act No. 12009 o New Government Procurement Act, na tumutukoy sa papel ng local chief executive sa pag-apruba ng rekomendasyon ng Bids and Awards Committee o BAC ng lokal na pamahalaan.

“At ultimately, Your Honor, we invoke mandatory judicial notice to the fact that the local chief executive of Davao City, the head of procurement entity, the one who approves the resolution of the BAC, is no less than Mayor Sebastian Duterte,” sabi ni Luistro.

Sa madaling sabi, iginiit ng prosekusyon na ang local chief executive ng Davao City na may papel sa pag-apruba ng BAC resolutions ay walang iba kundi si Mayor Sebastian Duterte.

Ang PhilGEPS, na nag-o-operate sa ilalim ng Department of Budget and Management Procurement Service, ay isang electronic portal na naglalaman ng mga impormasyon ng government procurement opportunities, awards at transactions. (Dindo Matining)