WebClick Tracer

Kasosyo ni VP Sara sa negosyo itinalagang Special Envoy to China ni Digong – prosecution

Kinumpirma ng House prosecution panel na si Jaime Tan Cruz na kasosyo sa ilang negosyo na inuugnay ka Vice President Sara Duterte ay siya ring taong itinalaga noon bilang Special Envoy to China ni dating Pangulong Rodrigo Duterte.

Sa ika-28 araw ng paglilitis, tinanong ni Senator-judge Erwin Tulfo si Prosecution lawyer Erwin Matib kung iisang tao lang ba si Cruz na tinutukoy na incorporator, shareholder at chairman sa ilang negosyong may business interest ang Bise Duterte sa Jamie Tan Cruz na itinalaga ni dating Pangulong Duterte na Special Envoy to China for trade and investment noong 2019.

“Mr. Prosecutor, ito po bang si Jaime Tan Cruz, is this the same person, base po sa inyong pag-iimbestiga po dito po sa House Prosecution. Ito po bang Jaime Tan Cruz na ito is the same person na na-appoint po ng dating Pangulong Duterte as a special envoy to China for trade and investment?” tanong ni Tulfo.

Kinumpirma naman ito ni Matib, “Yes, Your Honor. The same name, Your Honor.”

Bukod diyan, kinumpirma din ni Matib na matapos manungkulan bilang Special Envoy to China, inalok din si Cruz bilang chairman ng PhilHealth subalit tinanggihan niya ito.

“I’m not sure about the date but he was appointed, Your Honor,” aniya.

Nauna nang sinabi ni Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario sa impeachment court na kasama ang pangalan ni Jaime Tan Cruz sa halos lahat ng negosyong iniuugnay sa Bise Presidente na nakadeklara sa kanyang SALN (Statement of Assets, Liabilities and Net Worth.

Ang mga negosyong naroon ang pangalan ni Cruz kabilang ang City Hall King Chow Foods Corporation, Davao Bounty Times Foods Corporation at Davao Emerging Taipans Corporation.

Ang iba pa ay ang Davao New Royal Taipan Foods Corporation , Great Jolly Times Foods Corporation, JTC Group of Companies Philippines, Inc. at Metro City Chow Foods Corporation.

Hindi naman matukoy ni Dela Rosario kung ang papangalang Jaime Tan Cruz ang JTC initials sa JTC Group of Companies Philippines, Inc. (Dindo Matining)