WebClick Tracer

Impeachment walang pakialam sa OVP budget – Rep. Alvarez

Wala umanong pakialam ang mabilis na pagpasa ng panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2027 sa isinasagawang impeachment trial ni Vice President Sara Duterte sa Senado.

Ayon kay House Committee on Appropriations Vice chairperson at Palawan Rep. Pepito Alvarez, ang sponsor ng OVP budget, natalakay na sa komite ang panukalang P785.2 milyong budget ng OVP kaya wala ng nagtanong ng isalang ito sa plenaryo nitong Martes.

“Doon sa briefing, tinanong na nila lahat eh. Eh, yung budget, wala kang dapat itanong kasi from P900 naging P800 at tsaka pareho lang yung mga heading nung nakaraang dalawang taon. So, there is nothing to ask, lahat ng mga programa nya andun,” sabi ni Alvarez.

“Pareho lang eh walang dapat ikabahala, pareho lang eh,” dagdag pa ng solon na ang pinatutungkulan ay ang pagkakatulad ng mga programa at proyekto ng OVP ngayon taon at sa susunod na taon.

Napansin din ni Alvarez na mas mababa ang panukalang budget para sa susunod na taon kumpara sa P889.2 milyong alokasyon ngayong taon.

“Nung briefing sabi ko naman yung mga issues na dinala na sa Senado wag na natin pag-usapan dito, kung maaari. Meron ngang pumalag doon na hindi pwede. Nakikiusap lang naman ako eh,” sabi ng solon.

“Nakikiusap lang naman ako para huwag na tayong mahaba na panahon dito,” dagdag pa nito.

Nang tanungin kung may kaugnayan ang mabilis na pagpasa ng panukalang budget ng OVP sa impeachment trial sa Senado, sagot ni Alvarez, “I don’t think so. Very formal yung aming gawa dito. Kasi nag-reduce ano pang tatanungin nila, kung nag-increase maraming tanong.”

“Whether ma-impeach siya o hindi, wala kaming pakialam dun. Yung sa budget is the budget,” dagdag pa ng solon.

Napansin din ni Alvarez na hindi dumalo sa deliberasyon ng budget ang chief of staff ni Duterte na si Atty. Zuleika Lopez dahil kasalukuyan itong nasa ospital.

“May doctor certificate kasi si Atty. Zuleika, pinadala nung isang araw, kaya nakiusap ako sa leadership na ipagpatuloy na lang habang may sakit para hindi maantala yung buong budget system,” sabi ng mambabatas.

Hindi matukoy ni Alvarez ang sakit ni Lopez ngunit sinabi niyang nasa emergency room ito.

Sinabi rin ni Alvarez na hindi niya nakausap ang Pangalawang Pangulo. (Billy Begas)