WebClick Tracer

Impeachment court wala pang show cause order kay VP Sara kaugnay ng mga pahayag laban sa tribunal

Wala pang inilalabas na show cause order ang Senate impeachment court laban kay Vice President Sara Duterte kaugnay ng mga pahayag nitong kumukuwestiyon sa integridad ng tribunal.

Inihayag ito ni impeachment court spokesperson Reginald Tongol sa panayam ni Pinky Webb sa programang “On Point” ng Bilyonaryo News Channel.

Paliwanag ni Tongol, maaaring kailangan munang ma-authenticate o pormal na maiharap sa korte ang mga pahayag na nakuha sa mga informal o ambush interview bago ito ikonsidera sa isang proceeding.

“The problem with that, kasi hindi siya verified yung footage na yun. In court kasi, very technical yan,” aniya.

Inihambing niya ito sa mga show cause order na inilabas laban kina Bicol Saro Rep. Terry Ridon at private prosecutor Benjamin “Jay” Tolosa Jr., na kapwa naglabas umano ng mga pahayag sa opisyal na press briefing ng House prosecution panel.

Ayon kay Tongol, ang official press briefing ay itinuturing na opisyal na gawain kaya maaaring judicially noticed ng Impeachment Court, samantalang kailangang ma-authenticate muna ang footage ng mga ambush interview.

“Compared to an ambush interview na kailangan i-authenticate yung footage, kailangan ipakita,” ani Tongol.

Nauna nang pinadalhan ng mga show cause order sina Ridon at Tolosa kaugnay ng posibleng paglabag sa Rule 18 na naglilimita sa pampublikong komento tungkol sa merito ng nakabinbing impeachment case.

Sinabi ni Tongol na maaari ring kumilos ang isang partido kung sa tingin nito ay may paglabag sa mga pahayag na ginawa sa labas ng official briefings.

Binanggit niyang dati nang pormal na iniharap ni defense lawyer Sheila Sison sa korte ang isang Facebook post na kinasasangkutan ng private prosecutor na si Michael Henry Ligutan.

Samantala, sinabi ni Tongol na naiparating na ng media monitoring team kay Presiding Officer Sen. Chiz Escudero ang mga pahayag ni Duterte.

Ngunit hindi naman niya sinabi kung kikilos si Escudero kaugnay nito.

“That is one of the things that was already brought up by the monitoring team to the presiding officer’s attention,” ani Tongol.

Iginiit din ni Tongol na patas si Escudero sa pamumuno sa impeachment proceedings at sinisikap nitong magkaroon ng legal at procedural basis ang bawat ruling, “But the presiding officer has always been fair.”

Panoorin ang buong panayam kay Tongol sa September 21 episode ng “On Point”.

Maaari namang abangan ang programa tuwing Lunes hanggang Biyernes, 7:30 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook.