WebClick Tracer

Hirit ng transport sector na taas pasahe, nakabitin pa

Malabo pang mapagdesisyunan ang hirit ng transport sector na taas singil sa pamasahe sa kabila ng patuloy na pagtaas sa presyo ng produktong petrolyo.

Ayon kay Palace Press Officer Atty. Claire Castro, patuloy pa ring pinag-uusapan ang hirit ng transport sector dahil binabalanse ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang lahat ng opsyon upang hindi gaanong maramdaman ng commuters ang epekto ng mataas na presyo ng langis.

Sinabi ni Castro na nakausap nito si Department of Transportation Acting Secretary Giovanni Lopez at sinabing pinipiga pa ang gobyerno kung ano pa ang puwedeng gawin para matulungan ang mga pampublikong tsuper at transport sector.

Hanggat maaari aniya ay maging last resort ang pagtataas sa pamasahe pero hindi isinasara ang pintuan para rito.

Maging ang provincial at city bus operators ay humihirit din ng dagdag-pasahe kay Pangulong Marcos Jr. dahil sa tumataas na presyo ng produktong petrolyo bukod pa sa kanilang binabayarang modernization loans kaya hirap na umano ang mga ito.

Sinabi ni Castro na sa sandaling matanggap ng Presidente ang rekomendasyon ng city at provincial bus operators ay pag-aaralan ito. (Aileen Taliping)