Lingid sa kaalaman ng publiko, mahigit 40 kabataan na biktima umano ng mga dark web sa social media ang naisalba ng Department of Interior and Local Government at Philippine National Police (PNP) dahil sa intelligence report.
Ito ang kinumpirma ni Camarines Sur Rep. Arnie Fuentebella na nag-sponsor sa budget ng DILG na nagkakahalaga ng P332.50 billion sa pagtatanong ni Philreaca party-list Rep. Presley de Jesus hinggil sa karahasan sa mga eskuwelahan sa Tacloban, Zamboanga at South Cotabato.
“Hindi po natin ito pinapabayaan. Ang alam lang po natin ay ‘yung tatlong insidente na nangyari sa Tacloban, Zamboanga at South Cotabato pero hindi n’yo po naitatanong kung ilan na po ang nasalba ng ating kapulisan,” ani Fuentebella.
“More than 40 na mga bata ang naisalba na because sa ating mga intelligence report. I can divulge po kung saan galing pero may mga tumutulong sa atin, sa ating pamilya sa DILG and the Secretary Jonvic Remulla is on top of it,” ani Fuentebella.
Sinabi din nito na naglabas na ng DILG ang Memorandum Circular 2026-037 para sa bantayan ang paligid ng mga eskuwelahan sa bansa at sinasanay na umano ang mga barangay officials para pangalagaan ang kaligtasan ng mga estudyante sa tulong ng kapulisan.
Gayunpaman, inamin ni Fuentebella na ang nangyayari ngayon ay isang social problem na dapat aniya patulungan ng lahat ng ahensya ng gobyerno kasama na ang mga magulang.
“I think this is social problem. This is not only a problem of DILG, this is also the problem of the parents, we have to be very much aware of the problema now, specially sa mga sites na wala po tayong control,” ayon sa kongresista.
Ito rin aniya ang dahilan kaya gumagawa na ng batas ang Kongreso para i-regulate ang META na may-ari ng Facebook, Instagram at messenger at iba pang social media platforms na masama ang impluwensiya sa mga kabataan. (Bernard Taguinod)


