WebClick Tracer

Higit 183,000 BYD car pina-recall sa China dahil sa depektibong piyesa sa preno

Pina-recall ng BYD ang 183,211 Qin at Tang vehicles sa China dahil sa depektibong piyesa sa brake pedal.

Ayon sa State Administration for Market Regulation ng China, maaaring mabasag o matanggal ang brake-pedal stopper pad dahil sa problema sa pagkagawa nito. Pag nabasag o matanggal ang brake-pedal stopper pad, posibleng manatiling nakailaw ang brake lights kahit hindi nakatapak sa preno ang driver. Maaari itong magbigay ng maling signal sa mga motorista sa likod at magdulot ng aksidente.

Inanunsyo ng regulator ang recall nitong September 18 matapos magsumite ng plano ang BYD Auto Industry Co. Ltd. at BYD Auto Co. Ltd.

Sakop nito ang 142,895 Tang, Tang DM, at Tang EV vehicles na ginawa mula March 2015 hanggang January 2022. Kasama rin ang 40,316 Qin vehicles na ginawa mula June 2014 hanggang June 2019.

Hindi ito ang unang malaking recall ng BYD sa China.

Noong November 2025, ipina-recall nito ang 88,981 Qin Plus DM-i hybrids dahil sa problema sa battery packs na maaaring magpahina sa power output o pumigil sa pure-electric driving.

Isang buwan bago nito, ipina-recall din ang 115,783 Tang at Yuan Pro vehicles dahil sa mga depekto sa controller at battery sealing.

Noong 2024, isinailalim naman sa recall ang 96,714 Dolphin at Yuan Plus EVs dahil sa steering-controller defect na posibleng magdulot ng sunog.

Agad na ipinatupad ang pinakahuling recall sa ilalim ng campaign numbers S2026M0116V at S2026M0117V.

Libreng papalitan ng mga awtorisadong BYD dealer ang depektibong piyesa at hindi na kailangang ipaayos muli ang mga sasakyang nakabitan na ng improved stopper pads. (Eileen Mencias)