Bilang bahagi ng pagsisikap na mapalakas ang mga hakbang laban sa baha at mapataas ang kapasidad para mapangasiwaan ang malalakas na pag-ulan, ikinokonsidera ng administrasyon na magpatayo ng limang rainwater impounding facilities sa Metro Manila.
Ito ang inihayag ni Executive Secretary Ralph Recto kasunod ng ipinatawag na pulong sa Malacañang sa mga opisyal ng Metro Manila Development Authority (MMDA).
Ang mga planong pasilidad na pangungunahan ng MMDA ay idinisenyo para ipunin at iimbak ang tubig ulan pansamantala upang hindi umapaw ang drainage systems at magdulot ng pagbaha sa mga komunidad.
Kapag nakumpleto, sinabi ni Recto na ang proyekto ay makakatulong na protektahan ang mga bahay, paaralan, mga negosyo at mga pampublikong imprastruktura, lalo na sa panahon ng malalakas na pag-ulan at high tide.
Ang planong mga pasilidad ay ilalagay sa Camp Aguinaldo, Miriam College, Remedios Circle, Rajah Sulayman Park at sa ASEAN Garden sa Cultural Center of the Philippines Complex sa Vito Cruz.
Isinumite na ni MMDA Chairman Romando Artes ang mga dokumento para sa mungkahing proyekto kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa pamamagitan ng Office of the Executive Secretary at Department of Budget and Management. (Aileen Taliping)


