WebClick Tracer

Ex-China envoy ni Digong posibleng ipatawag sa impeachment trial

Hindi isinasantabi ng prosecution team na ipatawag na sa witness stand si Jaime T. Cruz dahil masyado na umano itong misteryoso.

Ito ang nabatid kay prosecution spokesman at adviser Robert Ace Barbers ukol kay Cruz na itinalaga ni dating Pangulong Rodrigo Duterte bilang special envoy sa China for trade and investment.

“Masyadong misteryoso ‘yung pangalang Jaime T. Cruz kaya maaaring mapatawag siya kung sa saka-sakaing mapag-agrehan namin sa prosecution na siya ay idagdag bilang isang witness dito sa paglilitis na ito,” ani Barbers.

Si Cruz ay ang nakalistang may-ari sa Gencorps Industries Inc, subalit nakakapagtataka umano na isinama ni Vice President Sara Duterte ang kumpanyang ito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Networth (SALN).

“Ano ba yung kanyang relasyon dito sa ating pangalawang pangulo? There seems to be some connection between his company, yung Gencorp at itong kay Vice President Sara.Why would Vice President Sara declare that she has business interest or shareholdings perhaps in this company while the GIS does not say so?,” dagdag pa ng mambabatas.

Dahil dito, kailangang masagot umano ang mga tanong na ito na mangyayari lamang kapag ipinatawag na sa witness stand si Jaime T. Cruz.

Ang Gencorp ay nakakuha umano ng P33.2 milyong halaga ng kontrata sa Davao City Hall na inamin ni Mayor Sebastian “Baste” Duterte sa isang statement na inilabas nito na mas mataas kumpara sa naunang mga ulat na P14.2 milyon lamang.

Gayunpaman, panindigan ng alkalde na hindi lumabas ang pangalan ng kanyang kapatid sa nasabing kompanya at dumaan umano sa bidding ang nasabing mga kontrata. (Bernard Taguinod)