Lumilitaw na mas malalim ang papel ni Jaime Tan Cruz, dating trade envoy to China ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, sa GenCorp Industries Incorporated, isang kompanyang idineklara ni Vice President Sara Duterte bilang business interest sa kanyang 2024 at 2025 Statement of Assets, Liabilities and Net Worths (SALNs).
Sa pagtatanong ni Senator-Judge Francis “Kiko” Pangilinan kay Del Rosario, lumitaw na ang JTC Group of Companies ni Cruz ang may controlling interest sa GenCorp.
“Tama ba na doon sa GIS [General Information Sheet] ng GenCorp ay ang kompanyang JTC Group ay nasa list ng shareholders?” tanong ni Pangilinan.
Sagot ni Del Rosario, “Ayon po sa 2025 GIS ng Gencorp Industries, Inc., si JTC Group of Companies po ay shareholders ng nasabing korporasyon”
Nang tanungin ni Pangilinan kung ilan ang shares ang pag-aari ng JTC Group sa GenCorp., sinabi ni Del Rosario na, “Ayon po rito, meron po siyang 54.99% ownership.”:
“So majority ng GenCorp is owned by JTC?” tanong ni Pangilinan na kinumpirma ni Del Rosario.
Sinabi pa ni Del Rosario na ang 54.99% majority stake ay nagbibigay sa JTC ng malaking kapangyarihan sa kumpanya, kabilang ang puwesto sa board, karapatan sa dividends, at kapangyarihang magpalit ng corporate officers.
Lumitaw din batay sa pagtatanong ni Pangilinan na may magkakaparehong stockholders at officers ang GenCorp, City Hall King Chow Foods Corporation at Metro City Chow Foods Corporation—dalawang kumpanyang may shares si Duterte.
“So yung dalawang yun, City Hall at Metro. Merong shareholders, common shareholders and officers with GenCorp,” sabi ni Pangilinan.
“Tama po. City Hall, Metro and GenCorp,” kumpirma ni Del Rosario. (Dindo Matining)


