Proud na ibinalita ni CJ Ramos, dating child star noong dekada 90, na natapos na niya ang counselling sa isang ahensiya sa QC na nangangalaga sa mga gumon sa illegal drugs. Daan daw ito upang maging malinis na ang record niya at makahanap ng trabaho o makapag-abroad nang walang aberya.
“Recovery is possible,” post ni CJ sa kanyang social media account nitong Setyembre 21, habang hawak ang isang dokumento.
Nakumpleto na raw niya ang counselling at after care sa QCADAAC or Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council, nang ipag-utos ito ng korte dahil sa kanyang naging kaso noon, na may kinalaman sa ilegal na droga.
“Sobrang sarap po sa pakiramdam dahil natapos ko na ito. Ito na po ang magiging solusyon para po matapos na rin ang aking kaso at malinis na po ang record ko,” pahayag pa ni CJ.
Habang nagka-counselling, tuloy pa rin naman sa kanyang content bilang Transport Network Vehicle Services [TNVS] driver ang aktor. Malaking bagay para sa kanya na malinis nang muli ang kanyang pangalan.
“Para po ‘pag mag-a-apply na ako ng trabaho, o kaya mag-a-abroad po ako eh clean na po ang record ng pangalan ko,” aniya pa.
Nakilala noong dekada 90 si CJ sa “Ang TV”, sa pelikulang “Tanging Yaman” at nitong huli ay sa “FPJ’s Ang Probinsyano” ni Coco Martin.
Inabot rin daw ng isa’t kalahating taon ang kanyang counselling. Ngunit kinailangan niyang magtiis dahil batid na niya ngayon ang epekto ng pagbibisyo sa isang tao.
“Talagang nakakasira ito ng buhay ng tao, ng kalusugan. At saka hindi lang iyon. Pati ‘yung ating relasyon sa mga tao, sa kaibigan at sa pamilya,” wika pa nito.
May pag-asa pa umano sa mga kagaya niyang nalulong sa ipinagbabawal na gamot.
“Pero puwede tayong mag-recover sa pagkagumon. Kayang-kaya po ‘yan lalo na kung mayroon tayong support system.
“Alam ko po na mayroon diyan sa puso niyo na gusto niyo nang kumawala. Kayang-kaya niyo ‘yan.
“Paggamit ng ipinagbabawal na gamot ay kailanman hindi naging solusyon sa ating buhay, sa ating problema,” payo pa ni CJ.
Kailangan daw na umpisahan ang pagbabago sa sarili, at sa pananalig sa Diyos, katuwang ng tulong ng pamilya at mga kaibigan.
“Tama na! Magdesisyon ka ngayon din na tama na.
“Mayroon pa tayong mas magandang purpose sa ating buhay,” pagtatapos pa ni CJ sa kanyang shinare na video. (Jun Lopez)
KW: CJ Ramos, QCADAAC, Quezon City Anti-Drug Abuse Advisory Council, Coco Martin, “Ang TV”, “Tanging Yaman”, “FPJ’s Ang Probinsyano”


