WebClick Tracer

Elago kinalampag Palasyo sa suspensiyon ng excise tax sa petrolyo

Kinalampag ni Gabriela party-list Rep. Sarah Elago ang Malacañang sa patuloy na pangongolekta ng excise tax sa mga produktong petrolyo gayong lumagpas na sa $80 ang presyo ng langis sa world market.

Sa ilalim ng Republic Act (RA) 12361, binigyan ng kapangyarihan ang pangulo na bawasan o suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo kapag pumalo sa $80 ang bawat bariles ng langis sa world market kapag may sertipikasyon ang Department of Energy (DOE).

Ayon kay Elago, naisumite na ng DOE sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) na nagrerekomenda o bawasan o suspendehin ang excise tax sa mga produktong petrolyo noong September 15, 2026 subalit hanggang ngayon ay wala pang aksyon ang Malacanang ito.

“May trigger na, may certification na. Ang kulang na lang ay political will. Hindi puwedeng habang pinagpapasyahan pa ng gobyerno kung kikilos, taumbayan naman ang patuloy na nagbabayad,” ani Elago.

Dahil dito, kinalampag ng mambabatas ang mga economic managers at maging ang pangulo upang suspendehin na ang excise tax sa mga produktong petrolyo lalo na’t umabot na sa $80 ang Dubai Oil.

“Naabot na ang itinakdang $80-per-barrel na trigger price ng Dubai crude oil para sa suspensyon ng excise tax sa mga produktong petrolyo, at na-certify na ito ng DOE. Ano pa ang hinihintay ng pamahalaan?,” ani Elago.

Sinabi ng mambabatas na habang hinihintay ang rekomendasyon ng mga economic managers, patuloy naman aniyang sinasalo ng mga motorista, komyuter, manggagawa, magsasaka, mangingisda, at maliliit na negosyo ang mataas na presyo ng langis.

Sa kasalukuyang, pinapatawan ng P10 na excise tax ang bawat litro ng unleaded gasoline, P6 sa diesel at tig-P3 sa kerosene at bawat kilogram ng liquified petroleum gas (LPG) na kapag binawan o sinuspendi ay ibabawas ito sa presyo ng ibinebenta sa mga consumers.

“Bawat araw ng pagkaantala ay dagdag gastos na direktang ipinapasan sa taumbayan. Para sa gobyerno, maaaring ilang araw lang ang paghihintay. Pero para sa ordinaryong Pilipino, bawat araw na lumilipas ay dagdag na gastos. Ilang araw pa bang ‘careful study’ ang kailangan bago kumilos ang gobyerno?,” ayon pa sa mambabatas.

“Hindi sapat ang hintay nang hintay habang tumataas ang presyo. Gamitin agad ang mekanismong nasa batas para maibsan ang pasanin ng taumbayan. At higit sa pansamantalang tax suspension, ipasa ang Presyo Ibaba Bill. Panahon nang ibaba ang presyo, hindi dagdagan ang pasanin ng mga Pilipino,” dagdag pa ni Elago. (Bernard Taguinod)