WebClick Tracer

DND budget hindi na binulatlat

Si Defense Secretary Gilbert Gibo Teodoro Jr. habang dumadalo sa deliberasyon ng DND budget sa Kongreso.

Hindi na masyadong binulatlat sa plenaryo ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang P324.6 bilyong budget ng Department of National Defense ((DND) na inisponsor ni Sultan Kudarat Rep. Bella Vanessa Suansing noong Lunes ng gabi, na dinaluhan mismo ni Secretary Gilbert “Gibo” Teodoro Jr.

Sa 318 Congress, 5 lamang ang nag-interpellate sa budget ng DND na pawang mula sa minority bloc na sina Philreca party-list Rep. Presley de Jesus, Gabriela party-list Rep. Sarah Elago, Kabataan party-list Rep. Renee Co, ACT Teacher party-list Rep. Antonio Tinio at APEC party-list Rep. Sergio Dagooc.

Bagama’t nagtanong si De Jesus ukol isyu ng Balikatan exercise at West Philippine Sea (WPS) kasama na ang pagbili ng maraming drones, limitado ang sagot dito ni Suasing dahil mga highly classified umano ang usapin na hindi puwedeng idetalye sa publiko.

Nagtanong naman si Elago sa mga proyekto at mga programa ng Armed Forces of the Philippines (AFP) sa kasalukuyan at susunod habang nadismaya naman si Co dahil hindi kumpleto ang report na hiningi hinggil sa military operation sa Toboso, Negros Occidental na ikinamatay ng 19 katao noong Abril 19, subalit isang pahinang report lamang umano ang natanggap nito.

“Mr. Speaker, good sponsor ano po ang explanation para dito? Tayo po ba ipinagloloko? Bakit po isang papel lang po ito?” ani Co subalit ayon kay Suansing may mga attachment ang nasabing report na nilagdaan ni Teodoro.

Tinalakay naman ni Tinio ang usapin sa report na may mga eskuwelahan sa Pilipinas na ginagamit ng China para sa pagpapalaganap sa kanilang propaganda sa interest sa bansa na unang isiniwalat ni Ray Powell subalit limitado ang sagot dito ni Suansing.

Ang performance naman ng mga sundalo ang tinalakay ni Dagooc at dating wala nang nagpalista para mag-interpellate ay tinapos na ang deliberasyon sa budget ng DND. (Bernard Taguinod)