Hindi itinuturing ng prosecution team na “honest mistake” nang isama ni Vice President Sara Duterte sa kanyang sinumpaang Statement of Assets, Liabilities and Net worth (SALN) ang Gencorp Industries Inc.
“It was not an honest mistake. Believe me, ladies and gentlemen, it was not an honest mistake,” ani Adiong lalo na’t dalawang taon itong idineklara ng pangalawang pangulo sa kanyang SALN.
Ayon sa mambabatas, kung talagang walang business interest ang pangalawang pangulo sa nasabing kumpanya ay hinding hindi niya ito isasama sa kanyang SALN akay hindi maaaring masabi na isang honest mistake ang bagay na ito.
Ginawa ng mambabatas ang pahayag dahil lumabas sa impeachment trial na wala ang pangalan ni Duterte sa General Information Sheet (GIS) ng Gencorp Industries Inc., na isinumite sa Securities and Exchange Commission (SEC).
“The higher is the one declaring the asset. Okay? Dapat doon natin paniwalaan. Because that’s her SALN. Sinumpaan niya ’yon. Dineclare niya ’yon sa dalawang taon,” paliwanag pa ng mambabatas.
Ang Gencorp ay nakakuha ng 49 government contract na nagkakahalaga ng P35, 878, 188 sa panahon na pangalawang pangulo na si Duterte kung saan 15 dito ay mula sa Davao City Hall kung saan mayor ang kanyang kabatid na si Sebastian.
Nagkakahalaga umano ito ng P34,216,900 habang 33 contract naman ang nakuha ng kumpanya sa Philippine Health Insurance Corporation Region XI na nagkakahalaga ng P1,331,288 samantalang P330,000 naman sa Overseas Workers Welfare Administration Region XI para sa isang kontrata.
Indikasyon ito na kahit ipinagbabawal ng batas na magnegosyo ang mga public officials ay nilabag ito ni Duterte kung saan sa gobyerno pa mismo ito nangongontrata ang nasabing kumpanya na kabilang sa mga idineklara ng pangalawang pangulo na may business interest ito.
“In same application that she declared in her SALN, ‘Akin ’yan, meron akong business interest diyan,’ that would rank contrary supposedly to her interest, by virtue of the article that we have mentioned na dapat mag-divest siya,”ani Adiong.
“So on that note, on that premise alone, dapat doon tayo maniwala kay VP Sara. Kasi kami sa prosecution, paniwalang-paniwala kami sa kanya na kanya ’yung kumpanya na ’yon,” dagdag pa ni Adiong.
Inayunan naman ito ni Barbers kaya wala ng dahilan para itanggi ni Duterte na meron itong business interest sa nasabing kumpanya dahil siya mismo ang naglagay sa kanyang SALN na pinanumpaan pa nito.
“So ’yun ang paniniwala natin. Ang tao, umamin na, ‘Akin ’yang company na ’yan.’ At bukod diyan, ito’y sinumpaan ng ating Pangalawang Pangulo,” dagdag pa ni Barbers. (Bernard Taguinod)


