WebClick Tracer

Dabarkads di nag-seatbelt, bumaba pa sa kalsada: Ian Red pinarusahan ng LTO

Suspendido at kumpiskado ang lisensya, nakaalarma ang sasakyan at pinagpapaliwanag ang Dabarkads at TV host na si Ian Red ng Land Transportation Office (LTO) sa viral content nito sa social media. Doon ay nakitang walang suot na seatbelt habang nagmamaneho, at bumaba pa ito sa kalsada upang patawanin ang kanyang mga kasama sa sasakyan.

Sa viral clip na iyon, masayang nagkakantahan sina Ian, Maine Mendoza, Ryzza Mae Dizon at Miles Ocampo habang bumibiyahe. Bigla ring bumaba si Ian upang magsasayaw sa kalye, na para bang nasa isang music video, upang mas lalong patawanin ang kaniyang mga pasaherong Dabarkads.

Nang makarating ang video na iyon sa LTO, agad silang umaksyon.

“Sa pangunguna ni Assistant Secretary Markus V. Lacanilao, naglabas ng Show Cause Order (SCO) laban sa rehistradong may-ari at drayber ng sasakyan kaugnay ng mga nakitang paglabag sa naturang bidyo,” pahayag ng LTO sa kanilang Facebook page nitong Setyembre 22.

Inutusan si Ian na humarap sa isang pagdinig sa Setyembre 29 upang ilabas ang kanyang panig. Pansamantala ring suspendido at kumpiskado nang 90-araw ang kanyang lisensya at nasa alarm status siya pati ang kanyang sasakyan.

“Walang masama sa pag-content at pagsasaya sa loob ng sasakyan, pero hindi kailanman dapat isantabi ang kaligtasan para dito. Bilang lisensyadong drayber, alam niya ang kanyang responsibilidad na magsuot ng seatbelt, manatiling nakatuon sa pagmamaneho, at sumunod sa iba pang umiiral na batas-trapiko,” ayon pa kay Asec. Lacanilao.

Ipinabatid rin ng ahensiya na wala silang pinipili o pinalalampas basta’t may nakita silang paglabag sa regulasyon nila.

Nagpaalala rin sila sa lahat ng motorista na laging sumunod sa batas upang matiyak rin ang kaligtasan sa kalsada.

Wala pa namang inilalabas na pahayag si Ian kaugnay sa kinasasangkutan niyang parusa mula sa ahensiya. (Jun Lopez)