WebClick Tracer

CICC binigyan ng 24 oras ang Reddit, Discord para magtalaga ng PH offices

Binigyan ng Cybercrime Investigation and Coordinating Center (CICC) ng 24 oras ang Reddit at Discord para magtalaga ng kani-kanilang opisina sa Pilipinas.

Sa magkahiwalay na liham na may petsang Setyembre 21, hiniling ng CICC sa dalawang online platform na magkaroon ng resident agent o representative sa bansa upang mapabilis ang koordinasyon at pagtugon sa mga awtoridad.

Ayon sa CICC, pinagsusumite rin ang Reddit at Discord ng paliwanag tungkol sa kanilang kasalukuyang arrangements at mga plano para palakasin ang safety standards, rapid response mechanisms at age-verification o age-assurance measures.

Kasama rin sa hinihingi ng ahensya ang pakikilahok ng dalawang platform sa isang cooperative framework laban sa online sexual abuse and exploitation of children (OSAEC), child sexual abuse or exploitation materials (CSAEM) at nihilistic violent extremism (NVE).

“We are not asking platforms to police the internet for the government but to be reachable, accountable, and responsive when activities on their platforms put Filipino children and communities at risk,” ani CICC Executive Director Aboy Paraiso.

“When an online threat spills over into the real world, there has to be clear channel for authorities to act,” dagdag niya.

Ang hakbang ay kasunod ng ikatlong insidente ng pamamaril sa paaralan sa Banga National High School sa South Cotabato noong Setyembre 18.

Samantala, nakipag-ugnayan na rin umano ang CICC sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang mag-organisa ng coordination meeting kasama ang Meta, Discord, Reddit at iba pang social media platforms para talakayin ang mga hakbang laban sa online threats na may kaugnayan sa karahasan at child exploitation.

Nagbabala ang CICC na maaaring ipatupad ang mga hakbang para paghigpitan ang operasyon o access sa mga platform sa Pilipinas kung mabibigo o tatangging sumunod ang mga ito sa itinakdang panahon. (AC)