WebClick Tracer

Bus operators umapela kay PBBM na ipatupad na taas-pasahe

Umapela sa Malacañang ang samahan ng mga bus operator sa lalawigan at lungsod na alisin na ang suspensiyon sa fare increase para sa mga public utility bus.

Sa isang opisyal na liham na may petsang Setyembre 19, ipinabatid ng Nagkakaisang Samahan ng Nangangasiwa ng Panlalawigang Bus sa Pilipinas kay Pangulong Bongbong Marcos, sa pamamagitan ni Executive Secretary Ralph Recto, ang kanilang hiling na ipatupad na ang adjustment sa pasahe na una nang inaprubahan ng LTFRB noong Marso 13, 2026.

Ayon sa grupo, hindi na kayang saluhin ng mga operator ng bus ang patuloy na pagtaas ng presyo ng krudo, mga piyesa, toll fees at pasahod sa mga empleyado dahil mas mababa na ang kita kaysa gastos sa operasyon.

Anila, umabot na sa 45 hanggang 60 porsiyento ng kanilang kabuuang gastos sa operasyon ang napupunta lamang sa gasolina, samantalang nananatiling mababa at kontrolado ang singil sa pasahe.

Nagresulta anila ito sa pagkaantala ng mga dispatch, pagtanggal sa mga empleyado at pagkaantala ng pagbabayad ng mga utang.

Binigyang-diin din ng grupo na maging ang modernization program at mga kinuha nilang utang para sa mga bagong bus unit ay labis nang nagpapabigat sa kanilang pananalapi.

Dagdag pa rito, hindi tulad ng mga kompanya ng eroplano at barko na nakakapagpatupad ng fuel surcharge, ang mga bus ay nakatali sa regulated fares ng gobyerno habang pinapatawan pa ng value added tax ang kanilang binibiling langis.

Nilinaw ng samahan na hindi sila humihingi ng ayuda o tulong pampinansiyal sa gobyerno kundi isang makatarungan at pantay na singil sa pasahe upang maipagpatuloy ang kanilang biyahe.

Binalaan din ng samahan ang pamahalaan na kapag nagtuloy-tuloy ang pagkalugi ng mga operator, ang mga commuter ang huling magdurusa dahil sa pagkonti ng mga biyahe, paghaba ng pila sa mga terminal at posibleng pagkawala ng trabaho ng libo-libong driver, konduktor, mekaniko at iba pang tauhan nito sa bansa. (IS)