WebClick Tracer

Bong Go: Ipagpaliban P1,500 na singil sa passport fee

Sa bigat ng sakripisyo at tinitiis ng mga OFW para sa kanilang pamilya at dahil sa ambag nila sa ekonomiya ng bansa, naniniwala si Senate Committee on Migrant Workers Vice Chairman Sen. Bong Go, na dapat ibaba ang singil sa pagpapagawa ng passport ng overseas Filipino workers (OFWs).

Sinabi ito ni Go sa pagdinig ng Senado para sa proposed 2027 budget ng Department of Migrant Workers, kung saan tinalakay ang iminumungkahing passport fee increase mula P950 na balak gawing P1,500.

Giit ni Go, imbes na maghanap ang gobyerno ng solusyon sa mga hinaing ng Filipino migrant workers, tila “baligtad at paurong” pa raw ang nangyayari bunsod ng proposed passport fee hike.

Tinawag naman ni Go na “ironic” ang sitwasyon dahil kung noong administrasyon ni dating Pangulong Rodrigo Duterte, dinoble raw ang serbisyo sa pamamagitan ng pag-extend ng validity ng Philippine passport mula lima na ginawang sampung taon — ngayon, tila ang balak doblehin di umano ay ang gastusin ng taumbayan.

“Sana po’y ipagpaliban muna yung pag-increase ng passport processing fee. Kung maaari nga lang po, huwag lang itaas, mas babaan niyo pa yung presyo kung mas maaari. Malaking bagay po yun, malaking tulong sa ating mga kababayan, na bawat piso, bawat sentimo ay napakahalaga po sa ating mga OFWs,” ani Go.

“Tinitiis nila ang sakit na mapalayo sa kanilang mga mahal sa buhay, hindi pinapansin ang inip, gutom, at pagod basta makatipid at maipadala ang pinaghirapang sahod para may panggastos ang pamilya at para na rin manatiling buhay ang ating ekonomiya,” dagdag pa niya. (Dindo Matining)