Nanatiling problema ng Bureau of Jail Management and Penology (BJMP) ang siksikan sa mga kulungan sa bansa kahit bahagyang bumaba ang national jail congestion rate ngayong 2026.
Sa ulat sa programang “The Commanders” ng Abante, na simulcast sa Bilyonaryo News Channel, nasa 281% ang national jail congestion rate ngayong taon, bahagyang mas mababa kaysa sa 292% noong 2025.
Sa 488 jail facilities na pinamamahalaan ng BJMP, 351 o halos 72% ang itinuturing na overcrowded.
Ayon kay Jail Chief Inspector Marc Francis Bauya, bagama’t nakatutulong ang pagtatayo ng mga bagong jail facility upang mapalaki ang kapasidad, hindi nito tuluyang masosolusyunan ang congestion kung mananatili ang ilang problema.
Kabilang aniya sa mga nakikitang dahilan ang patuloy na pagpasok ng persons deprived of liberty (PDL) sa kulungan, mabagal na proseso sa korte, hindi paggamit ng mga mekanismong maaaring magpalaya sa mga kwalipikadong PDL nang mas maaga, gayundin ang kakulangan sa suporta ng komunidad.
“Maganda na mayroon tayong mga bagong gawang facilities… however, hanggat hindi po natin nabibigyan ng pansin, hindi natin nasosolusyonan, at hindi natin nare-recognize ‘yung gano’ng klase ng problema, mahihirapan din tayo. Eventually, itong mga bagong facilities natin will be the same,” ani Bauya.
Ilan aniya sa epekto ng congestion ang problema sa health at sanitation, kakulangan sa maayos na ventilation, paglala ng sakit ng mga PDL, at pagkapuwersa sa limitadong resources ng BJMP at mga local government unit.
Naaapektuhan din umano ng siksikan ang jail security at pagpapatupad ng intervention, welfare at development programs para sa mga PDL.
“Hindi lang ito (congestion) problema ng BJMP kundi problema ito ng buong criminal justice system,” giit pa ni Bauya.
Panoorin ang buong panayam sa September 22 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.
Mapapanood ang programa Lunes hanggang Biyernes, alas-5 ng hapon, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube at Facebook accounts ng Abante. (AC)


