WebClick Tracer

BIR may ipinatutupad nang reporma sa pag-isyu ng LOA

Inihayag ni Bureau of Internal Revenue (BIR) Commissioner Charlie Mendoza sa pagdinig sa Senado nitong Martes, Setyembre 22 na mayroon silang ipinatutupad na reporma sa pag-iisyu ng Letter of Authority (LOA) para matigil na ang pag-abuso sa pag-audit.

Sa pagdinig ng Senado sa panukalang 2027 budget ng Department of Finance, sinabi ni Mendoza na noong Enero ay naglabas ang BIR ng revenue memorandum order para sa new guidelines matapos ang isinagawang imbestigasyon ng Senate Blue Ribbon Committee sa mga reklamo sa umanoy pag-abuso sa pag-iisyu ng LOA.

“At lately, naglabas po tayong ng panibagong audit program further refining itong ating panibagong poroseso sa pag-a-audit and I can say we have itnroduced substantial and compassing reforms this year,” pahayag ni Mendoza sa komite.

Ginarantiyahan din ni Mendoza na wala nang multiple issuace ng LOA at magiging isang beses na lamang ito kada tao kung saan iisyuhan lamang ng LOA ang isang taxpayer para sa lahat ng uri ng buwis.

Maliban diyan, sinabi pa ni Mendoza na nilusaw na rin ng ahensiya ang Value Added Tax (VAT) audit unit at system generated na ang pagpili ng iisyuhan ng LOA kung kaya’t wala nang discretion ang taga-BIR sa pagpasya kung ang iisyuhan nito.

Dagdag pa niya, hindi rin makakapamili ang tax examiner sa taxpayer na gusto nilang i-audit.

Para naman sa mga nasa remote area na taxpayer, sinabi ni Mendoza na mayroon ng LOA verifier para maberipika kung totoo ang LOA na isisilbi sa kanila.

Sa tanong ni Finance Committee Chair Sen. JV Ejercito at Sen. Bong Go kung wala ng taga-BIR ang umaabuso, sinabi ni Mendoza na maaaring may iba pang gumagawa nito subalit hindi umano niya kukunsintihin ang mga ito.

Hinimok din niya ang mga taxpayer na agad na ireklamo sa BIR ang sinumang umaabusong empleyado para agad nila itong maaksyunan. (Dindo Matining)