WebClick Tracer

Bangkay ng lalaki natagpuang palutang-lutang sa ilog sa San Mateo, Rizal

Isang hindi pa nakikilalang lalaki ang natagpuang wala nang buhay at palutang-lutang sa San Mateo River sa Barangay Guinayang, San Mateo, Rizal.

Ayon sa San Mateo Police Station, nadiskubre ang katawan dakong alas-10:30 ng umaga nitong Lunes, September 21 matapos makatanggap ng tawag mula sa mga opisyal ng barangay hinggil sa hinihinalang pagkalunod.

Tinatayang nasa 20 hanggang 35 taong gulang ang lalaki, may taas na humigit-kumulang 5’2’’ at nakasuot ng pulang polo shirt na may puting guhit sa kuwelyo.

Ayon sa inisyal na imbestigasyon, natagpuan ang katawan na nakadapa at palutang-lutang malapit sa pampang ng ilog, at pinaniniwalaang mahigit isang araw nang nasawi bago ito natagpuan.

Posibleng inanod umano ng agos ang katawan mula sa direksiyon ng Rodriguez, Rizal patungo sa Barangay Guinayang.

Nagsagawa na ng flash alarm ang pulisya para sa pagkakakilanlan ng biktima at nakipag-ugnayan sa Crime Laboratory Office para sa post-mortem at autopsy, habang patuloy ding ikinukumpara ang pagkakakilanlan nito sa mga kamakailang iniulat na nawawalang tao sa mga karatig-lugar. (Ronilo Dagos)