Apat na sasakyan ang nagbanggaan sa EDSA-North Avenue maghahatinggabi noong Lunes, Setyembre 21.
Batay sa inisyal na ulat ng Quezon City Police District at Metro Manila Development Authority, isang motorsiklo umano ang nawalan ng kontrol kung kaya’t pumreno ang closed van na nasa likuran nito.
Ngunit sa pag-preno ng closed van, isang commuter van naman ang sumalpok sa likuran nito dahil sa bilis ng mga pangyayari.
Sa likuran naman ng commuter van ay sumalpok rin ang isang oil tanker truck. Sinubukan man nitong umiwas, ay tinamaan pa rin nito ang commuter van sa harapan nito.
Kumabig umano pakaliwa ang oil tanker truck para hindi na makapinsala pa. Sa kabilang banda, ibinangga naman nito ang sarili sa mga concrete barrier ng EDSA Carousel Bus.
Wala namang naiulat na nasawi o nasugatan sa nasabing karambola at hindi nagdulot ng anumang pagbagal ng daloy ng trapiko ang insidente. (Vitto Bamba)


