Nasawi ang isang 27-anyos na lalaki matapos tamaan ng kidlat habang namimingwit sa Old Seaport sa Barangay Bigaa, Legazpi City, Albay nitong Lunes, Setyembre 21.
Ayon sa Albay Police Provincial Office, namimingwit ang biktima kasama ang iba pang lalaki nang biglang tamaan ng kidlat bandang alas-3:30 ng hapon habang malakas ang ulan.
Agad umanong humingi ng tulong ang mga kasama ng biktima sa Emergency Quick Response Team ng lungsod. Gayunman, wala na itong pulso nang datnan ng mga responder at idineklarang wala nang buhay ng sumuring doktor.
Nakipag-ugnayan naman ang mga awtoridad sa pamilya ng biktima upang ipabatid ang insidente.
Patuloy ang imbestigasyon ng pulisya, habang nagsagawa rin ng forensic processing sa lugar ang PNP Forensic Unit.
Pinayuhan naman ang publiko na umiwas sa mga bukas at delikadong lugar kapag may thunderstorm o masamang panahon. (AC)


