Tinatayang nasa 20% hanggang 40% ng pambansang budget bawat taon ang posibleng nawawala dahil sa korapsyon.
Inihayag ito ni dating Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) Deputy Governor Diwa Guinigundo sa panayam ng programang “Bankero Unfiltered” ng Bilyonaryo News Channel.
Aniya, maaaring dagdagan ng pamahalaan ang kita nito sa pamamagitan ng mas mahusay na pagkolekta ng mga hindi pa nababayarang buwis, pagpataw ng buwis sa yaman at monopolyo, at pagtugon sa korapsyon.
“Corruption takes about 20 to 40% of the budget every year,” pahayag ni Guinigundo.
Paghahalimbawa niya, kung may P6 trilyong budget ang pamahalaan at may 30% na nawawala dahil sa korapsyon, aabot umano ito sa P1.8 trilyon na maaaring gamitin para sa mga pangunahing serbisyo.
“30% of P6 trillion is P1.8 trillion. Imagine how many hospitals and hospital beds, classrooms, books, and infrastructure can be financed by that amount,” ani Guinigundo.
Samantala, sinabi rin niya na hindi umano ito tamang panahon para dagdagan ang tax rate o magpataw ng panibagong buwis sa publiko dahil maaari itong makadagdag sa pasanin ng mga Pilipino.
Sa halip, iminungkahi niyang pag-aralan ang tax on monopoly o tax on wealth bilang paraan upang madagdagan ang kita ng pamahalaan nang hindi gaanong naaapektuhan ang nakararaming mamamayan.
Hinimok din ni Guinigundo ang pamahalaan na mas agresibong singilin ang mga hindi pa nababayarang tax liabilities, kabilang ang malalaking utang sa Bureau of Internal Revenue (BIR).
“Of course, we need to reduce corruption,” dagdag pa niya.
Giit ni Guinigundo, kung maaaksyunan nang maayos ang korapsyon sa BIR, Bureau of Customs (BOC) at iba pang ahensya, mas maraming pondo ang maaaring bumalik sa kaban ng bayan.
Panoorin ang buong panayam kay Guinigundo sa September 20 episode ng “Bankero Unfiltered”.
Maaari namang abangan ang programa tuwing Linggo, 8:00 ng gabi, sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, BNC YouTube at Facebook.


