WebClick Tracer

100 kilo ng inabandonang ginayat na pating narekober sa Cagayan

Narekober ng Philippine Coast Guard (PCG) ang tinatayang 100 kilo ng ginayat na karne ng pating na iniwan sa isang cooler box sa Aparri, Cagayan.

Isinagawa ang operasyon nitong Lunes sa Veterans Wharf sa Barangay Macanaya, matapos makatanggap ng ulat hinggil sa umano’y ilegal na pangingisda sa lugar.

Agad nakipag-ugnayan ang Coast Guard Station Cagayan sa Coast Guard Intelligence Group–North Eastern Luzon at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources o BFAR at pinuntahan ang lugar,

Ayon sa PCG, sinasabing nakuha ang mga hiniwang karne ng pating mula sa katubigan sa bahagi ng Sitio La Unionan sa Barangay Macanaya.

Idinokumento ng BFAR ang mga narekober na karne bago ito ibinaon sa lupa alinsunod sa umiiral na mga proseso.

Patuloy naman ang imbestigasyon upang matukoy kung sino ang sangkot. (Ronilo Dagos)