Kasunod ng insidente ng pamamaril sa isang paaralan sa South Cotabato, sinabi ni Vice President Sara Duterte na kailangang magkaroon ng “culture of security” sa loob ng mga paaralan upang maiwasang sa internet o sa iba’t ibang grupo maghanap ng masasabing “safe space” ang mga estudyante.
Ayon kay Duterte, mahalagang magkaroon ng kumpiyansa ang mga bata na may mapagsasabihan sila sa loob mismo ng paaralan tungkol sa kanilang nararamdaman at iniisip.
“Napakahalaga din na magkaroon ng kumpiyansa ‘yung mga bata na sa school level meron silang puwedeng kausapin,” ani Duterte matapos niyang dalawin ang pamilya ng mga biktima ng pamamaril sa Banga National High School sa South Cotabato ngayong Lunes, Setyembre 21.
“Nakikita natin na kapag ‘yung bata wala siyang safe space kung saan puwede niyang sabihin kung ano ‘yung mga nararamdaman niya at naiisip niya, pumupunta siya sa iba’t ibang lugar na nakikinig kuno sa kanya tulad ng social media, tulad ng mga iba’t ibang grupo na makita natin sa internet,” dagdag niya. (IS)


