Nanatiling nakalista si Vice President Sara Duterte bilang director ng isang pribadong kompanya mula 2022 hanggang 2025, ayon sa mga rekord ng Securities and Exchange Commission (SEC).
Sa ika-27 araw na impeachment trial ni Duterte, kinumpirma ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario ang corporate records na nagpapakitang si “Sara Z. Duterte” ay parehong stockholder at miyembro ng board of directors ng Metro City Chow Foods Corporation sa panahong siya ay nanunungkulan bilang Vice President.
Ipinunto ni Private prosecutor Atty. Erwin Matib na hindi awtomatikong nagiging miyembro ng board of directors ng isang kompanya dahil ang mga director ay inihahalal ng mga stockholder.
“Sino po bang namimili ng magiging members ng board of directors?” tanong ni Matib na sinagot naman ni Del Rosario na, “Ang director po ay ini-elect po ng mga shareholders.”
Sabi ni Matib, taon-taon ay lumilitaw ang ang pangalan ni Duterte bilang director sa mga isinumiteng corporate records.
“So may eleksyon ho? Mukhang taon-taon po may eleksyon at laging nananalo si VP Sara sa pagiging director sa kompanyang ito,” sabi ni Matib.
Ayon sa SEC records, nakalista si Duterte bilang stockholder at miyembro ng board ng Metro City Chow Foods Corp. mula 2022 hanggang 2025, at may hawak na 500 shares sa kompanya.
Lumalabas din sa naunang corporate records na isa si Duterte sa mga incorporator ng kompanya nang itatag ito noong 2016, at miyembro na ng board mula 2018.
“Lumalabas po dito na member po ng board of directors si Vice President Sara mula 2022 hanggang 2025. Kelan po na-elect na vice president si respondent Sara Duterte?” tanong ni Matib.
Nagsimula ang termino ni Duterte bilang Bise Presidente noong Hunyo 30, 2022.
Nauna nang kinumpirma ng SEC na lumitaw ang pangalan ni Duterte sa General Information Sheets ng Metro City Chow Foods Corp. bilang stockholder at board member mula 2022 hanggang 2025.
Tinanong din ni Matib si Del Rosario tungkol sa mga limitasyong itinakda ng Konstitusyon sa isang nakaupong Vice President na may papel pa rin sa isang pribadong kompanya.
Sabi ni Del Rosario, nakasaad sa Article VII, Section 13 ng 1987 Constitution, na nagtatakda ng mas mahigpit na pagbabawal sa President, Vice President, mga miyembro ng Cabinet, at kanilang deputies at assistants habang sila ay nanunungkulan.
Kasama dito ang pagbabawal sa direkta o hindi direktang pakikilahok sa anumang negosyo at ang obligasyong mahigpit na umiwas sa conflict of interest.
Samantala, sa ilalim naman ng Republic Act No. 6713 o Code of Conduct and Ethical Standards for Public Officials and Employees, obligadong umiwas ang mga opisyal ng gobyerno sa conflict of interest.
Kapag may conflict of interest, inaatasan ng batas ang opisyal na magbitiw sa posisyon sa isang pribadong negosyo sa loob ng 30 araw mula sa pag-upo sa puwesto o mag-divest o magbenta ng kanyang shares o business interests sa loob ng 60 araw. (Dindo Matining)


