WebClick Tracer

SEC official: Walang record na nag-divest si VP Sara ng kanyang business interest

Walang natanggap na anumang dokumento ang Securities and Exchange Commission (SEC) na nagpapakita na inilipat ni Vice President Sara Duterte ang ownership ng kanyang negosyo sa ibang tao.

Ito ang sinabi ni SEC Company Registration and Monitoring Department Director Gerardo del Rosario sa ika-27 araw ng impeachment trial ng Bise Presidente nitong Lunes, Setyembre 21.

Iprinisenta ng prosekusyon si Del Rosario para tumestigo sa diumano’y interes ni Duterte at kanyang asawang si Atty. Manases Carpio sa 18 kompanya.

Kinumpirma ni Del Rosario na si Duterte ay isa sa mga incorporator ng Metro City Chow Foods Corp noong 2016 at isa rin sa mga board of director mula 2018 hanggang 2025.

Nang tanunging ni Senator-judge Risa Hontiveros kung naghain ng dokumento si Duterte para i-divest ang alinmang kumpanya na nag-uugnay sa kanya, sinabi ni Del Rosario na dalawang kumpanya na may pangalan ng Bise President ang hindi lumitaw sa business documents.

“Mayroon po ako natatandaan dito mga dokumento sa summary na ito na kung saan kamukha po ng City Hall King Chow: 2019, stockholder pa po si VP Sara, pero nung nag-submit sila ng amended GIS (General Information Sheet) noong 2019 hanggang 2021, hindi na po siya stockholder o director,” ani Del Rosario.

“Mayroon pa rin po yung sa SGT Fortune Horse Corporation. Incorporator po siya noong 2013. Hindi na po siya lumalabas as director o stockholder. Sa reporting po nila, hindi na po siya part ng kumpanya,” dagdag pa niya.

“Pero yung partikular na dokumento nagsasabi na tina-transfer niya yung kanyang ownership to other person, wala po kaming pinanghahawakang ganun,” dugtong pa ni Del Rosario.

Sinabi din ni Del Rosario na walang rin umano silang record na inilipat ni Duterte ang kanyang share sa City Hall King Chow.

“Well, kung hindi na po nakalista ang pangalan niya, yun na po ang parang presumption na hindi na siya kasama doon,” ani Del Rosario.

“Wala pong deed o anuman dokumentong nagsasabi na transfer niya niya yung kanyang ownership sa ibang tao,” sambit pa niya. (Dindo Matining)