Ipinagtataka ni Senator-judge Raffy Tulfo kung bakit wala man lang nagsabi kay Vice President Sara Duterte na kailangan niyang i-divest ang kanyang share sa kanilang mga kompanya nang opisyal siyang umupo sa puwesto noong 2022.
Sa ika-27 araw ng impeachment trial, sinabi ni Tulfo na batay sa Statements of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN) ni Duterte, sinabi ng Bise Presidente na nagmamay-ari sila ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio ng maraming kompanya.
“Inamin ni VP Sara na siya at ang kaniyang husband na si Atty. Mans Carpio…ay nagmamay-ari ng maraming kompanya…so therefore, andiyan na iyan, idineklara niya sa kaniyang SALN. Now, parang catch-22 scenario ito sa para sa kaniya e: aaminin niya ba na nagmamay-ari siya ng mga kompanya, ide-declare niya, o wag niyang i-declare?” ani Tulfo.
“Kasi kapag hindi niya dineclare, that’s non-declaration, culpable violation of the constitution. Pag dineclare niya…na nagmamay-ari siya ng mga kompanya… that’s a violation of Article VII, Section 13 dahil bawal sa mga VP na magmay-ari ng isang kompanya,” sambit pa niya.
Subalit ang ipinagtataka ni Tulfo kung bakit hindi man lang napayuhan o nasabihan si Duterte at Carpio na parehong abogado na kailangan niyang i-divest ang kanilang business interest matapos siyang mahalal bilang Bise Presidente.
“Ang pinagtataka ko lang, si VP Sara ay abogado, si Atty. [Manases] Carpio ay abogado, and I’m very sure… noong tumakbo sa pagka-VP maraming nakapaligid sa kaniyang mga brilliant lawyers… Wala man lang ni isa sa kanila nakapag-advise sa kanya na “VP, kailangan mo mag-divest kasi bawal ‘yan…” ani Tulfo.
“Kahit na hindi kumikita yang business na yan bawal pa rin yan sa Constitution…and yet tahimik pa rin sila. It’s mind-boggling for me, it doesn’t make sense at all,” sambit pa ng senador.
Una rito, kinumpirma ni Securities and Exchange Commission (SEC) Company Registration and Monitoring Department Director Atty. Gerardo del Rosario ang corporate record kung saan si Duterte ay parehong stockholder at miyembro ng board of directors of Metro City Chow Foods Corporation sa panahon na kanyang termino bilang Bise Presidente.
Tinanong naman ni Presiding Officer Francis “Chiz” Escudero ang SEC kung nagpadala pa sila ng notice o nag-isyu ng direktiba kaugnay ng ownership ng Bise Presidente o ibang opisyal na sakop ng constitutional prohibition.
Sinabi naman ni Del Rosario na wala silang silang direktiba para doon.
“Wala pong gano’ng directive sa amin na kailangan naming i-report yung mga opisyal na hindi dapat magmay-ari, maging participant ng isang kumpanya,” ani Del Rosario. (Dindo Matining)


