WebClick Tracer

Pulong Duterte umalma kay Korina Sanchez tungkol sa pag-unlad ng Davao City

Umani ng reaksiyon ang naging pahayag ni Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte laban sa batikang broadcaster na si Korina Sanchez-Roxas kaugnay ng usapin ng progreso ng Davao City.

Ani Duterte, hindi nakabatay sa dami ng high-rise buildings, malls at entertainment establishments ang pagsukat sa pag-unlad ng isang lungsod.

Ayon sa kanya, mas mahalaga sa kanila kung nakapaghahatid ng maayos na serbisyo ang lokal na pamahalaan sa mga residente.

“Dito sa Davao, ang pinag-uusapan namin ay kung gumagana ang gobyerno para sa ordinaryong tao — 911, emergency response, peace and order, health services, disaster response, roads and basic public services,” giit ng kongresista.

“Hindi kailangang maging kopya ng Makati o BGC ang Davao para masabing umuunlad. At hindi rin nasusukat ang progreso ng isang lungsod sa dami ng Ayala o Megaworld projects,” pahayag pa niya.

Kinontra rin niya ang pananaw na napag-iiwanan ang Davao City.

Aniya, ang ekonomiya ng Davao City ang pinakamalaking ekonomiya sa Mindanao at Visayas.

Binanggit niya ang tinatayang P601.68 bilyong ekonomiya ng Davao City.

“Kung gusto mong punahin ang Davao, go ahead. Pero sana ang sukatan ay serbisyo sa tao, hindi kung gaano karaming party ang nadaluhan o kung gaano karaming sosyal na establishment ang nakita mo,” dagdag pa ni Duterte.

Saad pa niya, sa Davao, magandang ekonomiya at trabaho ang tuon nila kaysa sa pagkilala.

“Mas mahalaga sa amin ang opinyon ng aming kapwa Dabawenyo at hindi ng mga ipokritang socialite na mga kakilala niyo,” sabi pa niya. (IS)