WebClick Tracer

Kris Lawrence sobrang proud kay Katrina Halili bilang ‘Most Beautiful Woman in Asia’

Sobrang proud si Kris Lawrence kay Katrina Halili matapos nitong manguna sa “Most Beautiful Women in Asia” mula sa Coveted Asia.

Ang Coveted Asia ay isang digital media platform na naglalabas ng regional rankings, lists at recognitions na nagbibigay-pugay sa mga personalidad, kultura at iba’t ibang prominenteng figure sa Asia.

Nagpasalamat naman si Katrina sa Coveted Asia para sa pagkilalang ipinagkaloob sa kanya. Nagbigay rin siya ng pasasalamat sa Panginoon, gayundin kina Katie at Kris, sa kanyang KKK Fam at KKK Team, at sa lahat ng naglaan ng effort, bumoto at patuloy na sumusuporta sa kanya.

Ayon kay Katrina, ang pagkilalang ito ay hindi lamang para sa kanya kundi para sa lahat ng taong patuloy na nasa kanyang tabi.

Samantala, sa isang text message na ipinadala sa atin, ibinahagi ni Kris kung gaano siya kaproud kay Katrina.

Aniya, hindi na siya nagulat sa pagkilalang natanggap ni Katrina dahil matagal na niyang alam na maganda ito. Para kay Kris, higit na nagpapaganda kay Katrina ang kanyang pagkatao at kung sino siya sa likod ng nakikita ng publiko.

Masayang-masaya rin si Kris na kinilala ng Coveted Asia si Katrina bilang number one at para sa kanya, deserve na deserve nito ang naturang karangalan. (Rodel Fernando)