WebClick Tracer

Korina Sanchez sa kalagayan ng Davao: ‘Parang sinauna pa rin, napag-iwanan’

Sinabi ng batikang broadcaster at BNC anchor na si Korina Sanchez-Roxas na tila hindi pa rin gaanong nagbabago ang kalagayan ng Davao.

Sa September 16 episode ng “Memo with Korina” ng Bilyonaryo News Channel, nabanggit ang tungkol sa development funds para sa Mindanao ngunit may mga komunidad pa rin umanong nananatiling “left behind” o napag-iiwanan.

Ani Korina, hindi masasabing walang pera ang bansa para sa pagpapaunlad ng mga komunidad dahil sa laki aniya ng halaga na nananakaw dahil sa korapsiyon.

“Alam na natin ‘yan. ‘Di ba, parang kung gugustuhin mo lang talaga maraming paraan, and again hindi mo masasabing walang pera ang Pilipinas kasi ang laki nga ng halaga ng nananakaw,” pahayag niya.

Naalala naman ng kanyang co-anchor na si Willard Cheng ang panahong mataas ang pag-asa para sa Mindanao dahil nagmula sa rehiyon ang mga nasa pinakamataas na posisyon sa pamahalaan.

“Naalala ko pa Korina at one point, napakataas ng pag-asa o level of hope sa Mindanao kasi at one point ang Presidente, Senate President at House Speaker taga-Mindanao,” ani Cheng.

Bilang tugon, ikinuwento ni Korina ang kanyang naging obserbasyon nang magtungo siya sa Davao.

“Pumunta nga ako ng Davao eh. Sabi ko, ‘Ito na ba ‘yun? Bakit parang ano… ako lang po ito ah… parang sinauna pa rin.’ Kasi nagre-reporter na ako nung 80’s, 90’s doon. Parang ganoon pa rin kung hindi lang dahil sa ilang mga hub because of Ayala or because of Megaworld ganyan,” wika niya.

“Hindi mo makikita sa iba pang mga lugar ang progreso. Ganoon pa rin, napag-iwanan,” dagdag niya.

Samantala, pumalag si Davao City Rep. Paolo “Pulong” Duterte sa opinyon ni Korina na “napag-iwanan” na ang Davao.

Aniya, hindi nakabatay sa dami ng high-rise buildings, malls at entertainment establishments ang pagsukat sa pag-unlad ng isang lungsod.

Ayon pa sa kanya, mas mahalaga sa kanila kung nakapaghahatid ng maayos na serbisyo ang lokal na pamahalaan sa mga residente.

“Hindi kailangang maging kopya ng Makati o BGC ang Davao para masabing umuunlad. At hindi rin nasusukat ang progreso ng isang lungsod sa dami ng Ayala o Megaworld projects,” pahayag niya.

Dagdag niya, ang ekonomiya ng Davao City ang pinakamalaking ekonomiya sa Mindanao at Visayas.

Mapapanood ang “Memo with Korina” ng 7:30 ng umaga, Lunes hanggang Biyernes sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube and Facebook accounts ng BNC. (IS)