Nanawagan si Senadora Risa Hontiveros na huwag kalimutan ng mga Pilipino ang mga aral mula sa madilim na yugto ng kasaysayan ng bansa kasabay ng paggunita sa ika-54 anibersaryo ng deklarasyon ng martial law.
Sa kanyang pahayag, sinabi ni Hontiveros na dapat alalahanin hindi lamang ang mga naging biktima ng pang-aabuso noong martial law kundi maging ang mga Pilipinong nagsakripisyo para ipaglaban ang demokrasya.
“We should not allow the memories and the lessons from that dark and shameful period of our history to be forgotten,” ani Hontiveros.
Binigyang-diin din ng senadora na kailangang patuloy na manindigan ang mga Pilipino laban sa mga suliraning nakaaapekto sa lipunan.
Kabilang umano sa mga dapat labanan ang malawakang katiwalian, kultura ng impunity, kriminalidad at karahasan.
Dapat din aniyang labanan ang kawalan ng kakayahan ng mga institusyon na tulungan ang milyon-milyong Pilipinong nahihirapan sa kahirapan, kawalan ng trabaho at kawalan ng access sa mga pangunahing serbisyo.
“We have a duty to remember the past, and to take action for a better future,” giit niya. (IS)


