WebClick Tracer

Higit P1M danyos kailangang bayaran ng China sa banggaan sa BFAR vessel

Aabot sa mahigit P1 milyon ang danyos na kailangang bayaran ng China dahil sa nangyaring pagbangga sa barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) sa West Philippine Sea.

Sa programang “The Commanders” ng Abante, na simulcast sa Bilyonaryo News Channel, inihayag ni Philippine Coast Guard (PCG) Spokesperson for the West Philippine Sea Commodore Jay Tarriela, na ayon sa BFAR, mahigit P1 milyon ang halaga ng danyos na dapat bayaran dahil sa insidente.

Iginiit ni Tarriela na nasa loob ng exclusive economic zone (EEZ) ng Pilipinas ang lugar kung saan naganap ang insidente at may sovereign rights ang bansa sa naturang lugar.

Dagdag niya, walang karapatan ang China na magpatupad ng kanilang batas sa loob ng EEZ ng Pilipinas.

Naglabas din umano ang China ng sariling video ng nangyaring insidente.

Binigyang-diin niya na mahalaga ang tamang anggulo at perspektibo sa video upang ipakita ang totoong nangyari.

Dagdag pa ni Tarriela, hindi na ginagamit ang terminong “grey zone” sa mga aksiyon ng China.

Aniya, tinatawag na ngayon ng Department of National Defense at Armed Forces of the Philippines ang unprofessional behavior ng China bilang “ICAD” o illegal, coercive, aggressive at deceptive action.

Panoorin ang buong panayam sa September 21 episode ng “The Commanders” sa Abante at simulcast sa Bilyonaryo News Channel.

Mapapanood ang programa ng alas-5 ng hapon, Lunes hanggang Biyernes sa Free TV Ch. 31, Cignal Ch. 24, Samsung TV Plus, TCL Smart TVs, Blast TV, AmasianTV, Cignal Play, at sa YouTube and Facebook accounts ng Abante.