Isiniwalat ni dating Quirino Governor at Representative Junie Cua na na-diagnose na may lung cancer ang kanyang anak na si Gov. Dakila Carlo “Dax” Cua noong 2024.
Ito ang sinabi ng nakatatandang Cua sa isinagawang necrological service para sa kanyang anak sa plenary hall ng Kamara de Representantes nitong Lunes.
“At the age of 23, kasalanan ko siguro, na sa murang edad, siya ay in-encourage ko na magsilbi sa bayan, which he served with sincerity and dedication, with compassion, selflessness, and integrity. This is supposed to be his last term as governor,” sabi ni Cua.
Sinabi niya na noong 2022, napansin niyang walang tigil sa pagtatrabaho ang kanyang anak hindi lamang bilang gobernador kundi maging pangulo ng Union of Local Authorities of the Philippines (ULAP).
“Siguro, akala niya he is a man made out of steel, walang humpay ang kanyang pagtatrabaho, he will be in Quirino as governor, babalik sa Manila as president of the ULAP, ginawa niyang tulugan ang sasakyan, aalis ng Manila ng alas dose, matutulog sa sasakyan, pagdating sa Quirino, trabaho na,” sabi ni Cua.
“Hindi ko akalain na ‘yong ginawa niyang ‘yan, siguro, ang unti-unting nagpahina sa kanyang katawan. In the early part of 2024, at the age of 46, February… while he was representing ULAP in the Union of Cities and Local Governments in the Asia-Pacific, inabutan siya ng hindi na makalakad, dinala siya sa ospital and he was diagnosed to have lung cancer,” dagdag pa nito.
Sa kabila ng kondisyon nito, sinabi ni Cua na nagpatuloy sa pagtatrabaho ang kanyang anak.
“In 2025, knowing his condition, he said to us, to our family, I want to die serving the people. So painful for us to accept, but to parents, mas mahalaga sa amin ang kanyang kagustuhan. What is important to us is his feelings, his desires, his aspirations, we acceded to him. This is what happened,” sabi ng dating mambabatas.
Muling kumandidato si Cua noong 2025 elections at nanalo para sa kanyang ikatlong termino.
“Hindi na niya natapos ‘yong tatlong terms na ‘yon, but he will always stand out, because he always wanted to be different. Kung ano ‘yong tinangkad niya, tinaas niya sa height, ‘yon rin ang kababaan ng kanyang kalooban,” sabi ng ama.
“My beloved son, you gave so much of your life to our people. You carried their hopes and dreams with you, and now it is time for you to rest. Your journey on this earth may have ended far too soon, but your legacy will continue,” dagdag pa ni Cua. (Billy Begas)


